MANILA, Philippines – Itinanggi ng pangulo ng naghaharing Partido Federal ng Pilipinas ang umiikot na senatorial-line up ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas para sa Eleksyon 2025.
Sa isang pahayag, sinabi ni PFP president South Cotabato Gov Reynaldo Tamayo Jr. na ang napagkasunduan noong Lunes ng mga kinatawan ng mga partido ng koalisyon ay ang pagsusumite ng mga pangalan ng kanilang mga gustong kandidato bago ang Setyembre 15.
“Kaya ang anumang umiikot sa listahan ay walang katotohanan,” ani Tamayo. “Kami ay magbibigay ng anunsyo ng senatorial line up ng administrasyon pagkatapos itong mapagpasyahan ng lahat ng kasapi ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas,” dagdag pa niya.
Nauna nang ibinahagi ni Sen. Imee Marcos ang listahan ng mga personalidad na aniya’y magiging kandidato para sa administrasyon sa Eleksyon 2025. Nagmula sila sa hanay ng PFP, Lakas-CMD, Nacionalista Party, at Nationalist People’s Coalition.
Kabilang dito sina:
Partido Federal ng Pilipinas (PFP)
Manny Pacquiao
Benhur Abalos
Francis Tolentino
LAKAS-CMD
Bong Revilla
Erwin Tulfo
Nationalist People’s Coalition (NPC)
Tito Sotto
Ping Lacson
Lito Lapid
Abby Binay
Nacionalista Party (NP)
Pia Cayetano
Imee Marcos
Camille Villar
“Ngek. Dineny ni Gov Tamayo! Wala naman kase ako dun sa meeting, pinamalita lang ng mga umattend,” ayon naman kay Sen. Imee nang hingan ng komento sa pagtanggi ni Tamayo. RNT