LA UNION, Philippines – Patay ang isang 62-anyos na babae matapos na barilin ng kanyang mismong pamangkin sa bayan ng Balaoan ng lalawigang ito kagabi.
Ayon sa mga awtoridad, ang biktima ay isang biyuda, residente ng naturang bayan.
Sugatan din sa naturang insidente ang isang 14-anyos na babae.
Ang 49-anyos na suspek ay residente rin ng Balaoan, La Union.
Bandang umaga ng Miyerkules ay hinihinalang lumapit ang suspek sa kanyang tiyahin para humiram ng pera ngunit hindi siya pinautang nito dahil sa personal na rason.
Bandang alas-9:00 ng gabi, habang ang biktima at ang kasama nitong menor de edad ay nakaupo sa balcony ng kanilang bahay ay kinumpronta sila ng suspek.
Sinabi ng suspek sa menor de edad na “haan nga agin kokonsehal ni nanang mo” at pagkatapos ay pinaputukan sila ng baril.
Mabilis na umalis ang suspek ngunit makalipas ang ilang minuto ay may narinig na namang putok ng baril.
Nabatid na nagbaril din sa sarili ang suspek na ikinamatay nito.
Nasa ospital naman ang menor de edad na biktima. Rolando S. Gamoso