Home NATIONWIDE Senior patay nang malunod sa ilog sa Cebu

Senior patay nang malunod sa ilog sa Cebu

279
0

MANILA, Philippines – Patay ang isang 60-anyos na lalaki matapos matagpuang palutang-lutang sa isang ilog sa Barangay Kang-Actol, Dumanjug, Cebu noong Huwebes ng umaga, Oktubre 9.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Folton Dizon Flores, residente ng Barangay Cogon, Dumanjug.

Ayon sa Dumanjug Police Station, nakatanggap sila ng tawag bandang 7:40 a.m. hinggil sa isang bangkay na natagpuan sa ilog sa naturang barangay.

Pagdating ng mga rumespondeng pulis, tumambad sa kanila ang wala nang buhay na lalaki na kalaunan ay kinilala ng asawa bilang si Flores.

Batay sa imbestigasyon, ilang taon nang may problema sa memorya ang biktima. Bandang alas-3 ng madaling araw noong Miyerkules, Oktubre 8, umano itong lumabas ng kanilang bahay at hindi na nakauwi.

Ang katawan ni Flores ay unang nakita ng mga estudyante ng Kang-Actol Elementary School na agad ipinaalam sa kanilang mga magulang at itinawag sa mga awtoridad.

Sa isinagawang paunang pagsusuri ni Dr. April Matutinao Cortes, municipal health officer, walang nakitang palatandaan ng foul play.

Tumanggi naman ang pamilya ng biktima sa mungkahi ng pulisya na isailalim sa autopsy ang bangkay, dahil naniniwala silang nalunod ito dahil sa natural na dahilan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here