MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na ipatutupad din ang Service Contracting Program sa mga sasakyang pandagat.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na bumabalangkas na ng panuntunan ang Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Ports Authority (PPA) para sa pagpapatupad nito.
Ayon kay Lopez, sasaklawin ng programa ang mga piling ruta sa paglalayag at layunin nitong matulungan ang mga may-ari at operator ng mga barko habang tinitiyak na may masasakyan pa rin ang publiko.
Upang mabawasan ang gastusin sa petrolyo ng mga barko, sinabi rin ni Lopez na pinayagan ng gobyerno ang paggamit ng bunker fuel dahil mas mura ito at mas malaki ang suplay nito sa bansa.
Sa sektor naman ng aviation, sinabi ni Lopez na pinayagan ng DOTr ang pagbabawas ng bilang ng flights sa ilang lugar na mahina ang demand ng mga pasahero.
Aniya, nais lamang ng ahensya na matiyak na nananatiling may biyahe sa isang ruta, habang iniiwasan ang sitwasyong kakaunti lamang ang sakay upang manatiling commercially viable ang mga airline company. Jocelyn Tabangcura-Domenden