MANILA, Philippines – Inihain ni 4Ps Partylist Representative JC Abalos ng House Bill No. 10753 na naglalayong taasan ang mandatoryong Service Incentive Leave (SIL) para sa mga kuwalipikadong manggagawang Pilipino mula sa kasalukuyang limang araw patungo sa sampung araw.
Ayon kay Abalos, mahigit 50 taon nang hindi nagbabago ang minimum na limang araw na leave entitlement sa ilalim ng Labor Code, aniya, napapanahon nang dagdagan ito upang mabigyan ang mga manggagawa ng sapat na panahon para makapagpahinga, magpagaling, at gampanan ang kanilang mga responsibilidad sa pamilya.
“Ang mga manggagawa ay hindi lamang bahagi ng ating workforce. Tao sila na nangangailangan din ng sapat na panahon para makapagpahinga, magpagaling kapag may sakit, asikasuhin ang kanilang personal na pangangailangan, at gampanan ang kanilang responsibilidad sa pamilya,” ani Abalos.
Ipinunto rin ng mambabatas na mas mababa ang statutory minimum leave entitlement ng Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa rehiyon ng Southeast Asia, tulad ng Singapore at Malaysia na mas mataas ang inaalok na annual leave depende sa haba ng serbisyo.
Dagdag pa ni Abalos, lalong mahalaga ang karagdagang mga araw ng pahinga para sa maraming manggagawang Pilipino na malayo sa kani-kanilang pamilya, upang mas mapagtuunan nila ng pansin ang kanilang kalusugan at kapakanan nang hindi nawawalan ng sweldo. Gail Mendoza