MAY mga babaeng pinapayuhan ng mga doktor na hangga’t maaari, dapat isang buwan at kalati na magpahinga sa pakikipag-sex bago manganak.
Dapat ding silang mangilin makaraang manganak para sa paghilom ng kanilang mga sugat at pagbabalik sa normal ng kanilang katawan.
Pero ayaw nilang sumunod dahil kailangan nilang kumayod hanggang sa manganak sila at isang linggo lang makaraan silang manganak.
Katwiran nila, dito lang sila makaaasa ng pagkain at pang-alaga nila sa kanilang mga anak, panggastos sa panganganak, pambayad sa inuupahang kwarto o bahay at pampalaki nang maayos sa mga bata at iba pa.
Sino-sino ba ang mga babaeng ito?
Mga sex worker sa Belgium, Germany, Netherlands, Austria, Switzerland, Luxembourg, Greece, Hungary, Latvia at Turkey na may ligal na prostitusyon.
KALAGAYAN BINAGO NG GOBYERNO
Binago ng gobyerno ang kalagayan ng mga sex worker sa bansang Belgium simula lang sa mga araw na ito.
Itinuturing na silang mga ordinaryong obrero na may mga karapatan sa batas paggawa nila.
Bago sila magtrabaho, dapat may konrata sila sa trabaho, health insurance o gaya ng Philhealth natin, pensyon gaya ng Social Security System, maternity leave, sick leave at iba pa.
PERO SINO BA SILA?
Pangunahing sakop ng batas ang mga nagtatrabaho na may mga employer.
Hindi naman malinaw kung sakop nito ang mga free lancer na naghihintay o naghahanap ng kostumer sa kung saan-saan.
Pero malinaw na kasama ang mga diretsahang namimigay ng aliw, masahistang may extra service, escort na may extra service at iba pa pero dapat may employer.
Siyempre pa, may parusa sa mga employer na hindi magkakaloob ng mga nabanggit nang karapatan sa kanilang obrerong prostitute.
KALAGAYAN GUMAAN NA
Ayon sa mga obrero, ipinaglaban nila ang mga karapatang nabanggit nang maranasan nila ang matinding paghihirap at kagipitan nang sumalakay ang Covid-19.
Akalain mo nga namang hindi sila makalabas at maghanapbuhay dahil sa lockdowns na pinaiiral at sa takot nilang mahawa at mamatay sa pandemya.
Ngayon, sabi nila, magiging mas maayos at maganda na ang personal nilang buhay, kasama ang kanilang mga anak at kinabukasan nila.
Lumakas na umano ang kanilang lakas ng loob na tumanggi sa sa pakikipag-sex, lalo sa mga posibleng may dalang sakit o abusado.
LILIPAT SA IBANG TRABAHO
May iba namang ayaw sa ligal na propesyong ito at napipilitan lang silang sumali sa oras ng kagipitan.
Ang iba, habang may trabaho, isinisingit ang prostitusyon bilang dagdag-pagkakitaan o kaya’y pansamantalang trabaho habang nawawalan ng trabaho.
Pero andiyan ang kagustuhang hindi papasok sa prostitusyon habang may pagkakitaang iba.
PINOY SEX WORKER KUMUSTA SILA?
Iligal ang prostitusyon sa Pinas, pero hinahayaan lang, lalo na sa mga tourist spot.
May nagtangkang pumigil dito na local government units ngunit natalo sila sa kaso dahil may nadamay na hindi naman dapat madamay.
Pero, darating kaya ang araw na mabigyan din ng pantay na karapatan sa paggawa ang mga sex worker sa Pinas gaya ng nasimulan sa Belgium?






