COTABATO CITY-HINDI umubra ang mala-palos na drug dealer matapos madakip ng mga awtoridad sa isinagawang entrapment operation at nakuhanan ng higit sa P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu, iniulat kahapon, Oktubre 27 sa lungsod na ito.
Kinilala ang nadakip na suspek na si alyas Noel, 26, nasa listahan ng intelligence units ng 6th Infantry Division, Philippine Army.
Sa pinagsamang operasyon ng mga tauhan ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, PRO-BAR at lungsod na pamahalaan ng Cotabato, nahuli ang suspek sa Barangay Poblacion 3, Cotabato City noong Lunes ng hapon.
Nagawa pang manlaban ang suspek sa mga operatiba dahilan para mabaril ito sa kanang hita at tuluyan itong naaresto sa ikaapat na operasyon.
Nakuha sa suspek ang 170 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P1.1 milyon.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa illegal drugs ang suspek. Mary Anne Sapico