QUESON, Philippines – Inihayag ng Aspin Academy Corp. sa Tayabas City, Quezon na posibleng tuluyang magsara ang kanilang dog shelter dahil sa matagal nang problema sa suplay ng tubig.
Ayon sa grupo, ilang taon na nilang nararanasan ang kakulangan sa tubig na mahalaga sa pang-araw-araw na pag-aalaga sa mahigit 70 asong in-rescue mula sa iba’t ibang bahagi ng Calabarzon.
Sinabi nila na mula pa noong 2024 ay paulit-ulit na silang humihingi ng tulong at nagsisikap makalikom ng pondo para sa pagpapatayo ng deep well na magsisilbing pangmatagalang solusyon, ngunit wala pang 5% ng kinakailangang budget ang kanilang nakokolekta.
Dagdag pa ng Aspin Academy, ilang beses na rin silang lumapit sa lokal na pamahalaan ngunit hindi pa rin natutugunan ang kanilang pangangailangan.
Sa kabila ng posibleng pagsasara, nilinaw ng grupo na patuloy pa rin ang kanilang misyon na makahanap ng permanenteng tahanan para sa mga asong inaalagaan nila, dahil bukas para sa adoption ang lahat ng kanilang rescues.
Habang hindi pa ganap na nagsasara ang pasilidad, nananawagan sila ng tulong para sa pagkain, gamot, at pang-araw-araw na pangangailangan ng mga aso.
Hiling ng grupo sa publiko: mag-adopt kung kaya, mag-donate kung hindi, mag-volunteer kung may oras, at kahit simpleng pag-share ng kanilang apela ay malaking tulong na para mapanatiling maayos ang kalagayan ng mga alagang aso. RNT/MND