MANILA, Philippines – MAGPAPATAYO ang pamahalaan ng humigit-kumulang 4,000 bagong silid-aralan upang tugunan ang kakulangan ng classroom sa buong bansa, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasunod ng nilagdaang Memorandum of Agreement sa pagitan ng DepEd at local government units (LGU), araw ng Miyerkules, Pebrero 11.
“Pormal nating itinatag ang pagtutulungan ng Department of Education at ng iba’t ibang lalawigan upang matiyak na bawat batang Pilipino ay may ligtas at disenteng silid-aralan na mapag-aaralan.”ang winika ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, ito ay unang yugto lamang ng mas malawak na classroom-building program ng administrasyon.
“Nakita ko ang maraming pagsubok na hinaharap ng ating mga estudyante, guro at magulang kapag kailangang ipadala ang kanilang mga anak sa eskwelahan. Nag-aaral at nangangarap sila ng mas magandang kinabukasan sa mga pasilidad na hindi maayos ang pagkakagawa, sa masisikip na espasyo, at minsan walang pasilidad.”ang tinuran ng Chief Executive.
Sinabi ni Pangulong Marcos na umaabot sa 145,000 silid-aralan ang kakulangan sa bansa hanggang Disyembre 2025.
“This is the gap that we must address urgently,” wika ng Pangulo, na binigyang-diin na naghahanap ang Administrasyon ng lahat ng alternatibong paraan upang matutugunan agad ang agwat na ito.
“Dahil hindi tayo makakapaghintay ng lima o sampung taon upang matiyak na ang bawat mag-aaral ay may komportableng silid-aralan.”ang tinuran ng Pangulo.
Sa ilalim ng MOA, ang DepEd ang magtatakda ng pamantayan at maglalaan ng pondo, habang ang LGUs ang mangunguna sa procurement at konstruksyon.
“Para sa mga mag-aaral, nangangahulugan ito na mas maagang magagawa ang mga silid-aralan. Para sa mga guro, ito ay nangangahulugan ng mas ligtas at kaaya-ayang kapaligiran upang magturo. At para sa mga magulang, ito ay nagbibigay ng kapanatagan dahil alam nila na ang kanilang mga anak ay nag-aaral sa maayos na pasilidad.”aniya.
Ang MOA ay suportado ng 2026 General Appropriations Act (GAA) na naglaan ng higit P85.39 bilyon para sa Basic Education Facilities, kabilang ang unang tranche na P9.6 bilyon. Sa naturang pondo, P4.1 bilyon ang inilaan para sa 1,200 silid-aralan na itatayo ng LGUs at higit PhP5 bilyon para sa 2,800 pre-fabricated classrooms ng DepEd.
Ito ay simula pa lamang. Patuloy nating ibibigay ang lahat ng suportang kailangan ng ating kabataan,” ang sinabi ng Pangulo. Kris Jose