Home OPINION SI CHARLIE ‘ATONG’ ANG

SI CHARLIE ‘ATONG’ ANG

198
0

MISTULANG nagtapos na ang “maliligayang araw” ni Charlie ‘Atong’ Ang, mga kabayan, matapos maglabas ng ‘warrant of arrest for murder’ ang isang korte sa Laguna at isa pang korte sa Batangas.

Katulad nang alam ng lahat, ang mga reklamo ay may kinalaman sa mga nawalang sabungero sa kasagsagan ng kanyang pamamayagpag bilang “Hari” ng ‘Online Sabong’ sa bansa.

Hindi maitatanggi na isang ‘high profile personality’ si ‘Tong-A’ dahil sa pagkasabit sa mga kontrobersya at kanyang reputasyon na “magaling” basta “sugal” (gambling) ang pag-uusapan.

Mula sa ‘Jai-Alai,’ hanggang sa jueteng at online gambling (e-Sabong), palaging nakadikit sa mga ito ang pangalan ni Atong. Isama pa sa kontrobersya ang palagi ring ‘pagka-link’ ni Atong sa mga magaganda—pero masasabing mga “laos”– na artista.

‘Sindulas’ din ng “palos” itong si Atong dahil nang isabit sa plunder case noon ni dating Pangulong Erap ay “nakapuslit” at “nagpasarap” ng buhay sa Las Vegas, ang ‘gambling capital’ naman sa Amerika at “balwarte” ng ‘Mafia.’

Katulad noong hindi mahanap ng mga awtoridad si Sen. Ping Lacson dahil sa ‘Bubby Dacer Case,’ “lumutang” lang din si Atong nang matiyak na hindi na siya makukulong sa pagkadawit sa mga tinahing kaso laban kay dating Pang. Erap.

Bagaman, ang paglabas ng mga warrant kay Atong tungkol sa mga nawalang sabungero (na marahil lahat ay patay na ngayon), ay pagpapatunay na hindi totoong “malakas” siya sa gobyerno ni PBBM.

Hindi totoo na kaya niyang tapalan ng sandamakmak niyang kuwarta ang mga opisyales nito partikular na sa Department of Justice (DOJ) at kahit sa ating mga korte.

Ang tanong naman, “kasing sigasig” kaya ng ginagawang paghahanap ng gobyerno kay ex-Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, ang gagawing paghahanap kay Atong na ngayon ay hinihinalang muling nakatakas palabas ng bansa?

O, sa ginawang paghahanap noong isang taon kay Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves?

Ipakansela rin kaya ang kanyang passport? Ipahanap din kaya siya sa Interpol?

“Mag-iyakan” din kaya ang kanyang ‘Angels’ dahil wala na siya sa piling nila?

Abangan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here