Home OPINION SI ‘MALI’, MASAYA AT MAY PAMILYA SA MANILA ZOO

SI ‘MALI’, MASAYA AT MAY PAMILYA SA MANILA ZOO

NAKATAWAG ng pansin, hindi lang sa Pilipinas, kundi sa iba pang panig ng mundo ang pagkamatay ng elepanteng si “Mali” na itinuturing na numero unong atraksyon sa Manila Zoo matapos ang 43 taon.

Posibleng hindi eksaktong 43 ang edad ni Mali pero hindi ito nalalayo sa katotohanan lalo’t  nasa rekord ito na hawak ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Ipinagkaloob si Mali ng Pamahalaan ng Sri Lanka sa Pilipinas bilang regalo kay dating First Lady Imelda Marcos noong Mayo 14, 1981 noong 11-buwang gulang pa ito at ipinagkatiwala naman sa Manila City government.

Lumikha ng balita sa ibang panig ng mundo ang pagkamatay ni Mali na itinuturing ng mga aktibista at organisasyong nangangalaga sa kapakanan ng mga hayop sa buong mundo, kabilang na rito ang People for the Ethical Treatment of Animals, na pinakamalungkot na elepante sa buong mundo dahil sa matagal na pagdurusa sa kanyang kulungan.

Pero tama nga bang sabihin na nagdurusa si Mali sa Manila Zoo dahil wala siya sa tamang lugar na dapat niyang maging tirahan, kasama ang mga kauri niya?

Sabi nga ni Manila Mayor Maria Shielah “Honey” Lacuna-Pangan, hindi nag-iisa kung tutuusin si Mali dahil pamilya niya ang kanyang mga tagapangalaga, may sarili siyang beterinaryo na tumitingin at nagmomonitor sa kanyang kalagayan at higit sa lahat, nasisiyahan siya sa mga taong bumibisita sa Manila Zoo na siya lagi ang atraksyon.

May punto rito ang alkalde dahil kung pagbabatayan ang ginawang pagkukumpara ng mga animal welfare organization kay Mali sa tao na nag-iisa sa buhay at walang kasama, ano ang mangyayari sa taong ito?

Hindi ba karamihan sa mga taong dumaranas ng pag-iisa sa buhay, walang pamilya, at nakakulong lamang sa isang lugar ay karaniwang nababaliw o hindi nagtatagal ang buhay?

Si Mali, na sa matagal na panahon, ay nabuhay at naabot ang halos pinakarurok na ng kanyang katandaan? Hindi ba’t nangangahulugan lang ito na nasanay na siya sa kanyang kapaligiran at maaaring hahanap-hanapin na niya kung ililipat sa isang lugar na hindi niya kinalakihan?

Hindi ako tutol sa mga ipinaglalaban ng grupong PETA o iba pang organisasyong nangangalaga sa kapakanan ng mga hayop dahil tulad nila,  ‘pet lover’ ako pero  dapat suriin ang katuwiran ng mga taong nangangalaga sa kalusugan at kapakanan ni Mali dahil nabuhay siya sa kapaligiran na kanya ng kinagisnan.