MANILA, Philippines – Itinaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 4 sa hilagang bahagi ng Palawan, kabilang ang El Nido, Taytay, Araceli, at Calamian Islands, habang bumibilis ang galaw ni Bagyong Tino (Kalmaegi) nitong Miyerkules ng umaga.
Taglay ni Tino ang hangin na 120 kph at bugso na 165 kph. Tumama ito sa kalupaan ng El Nido dakong 4:40 a.m. at kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 25 kph. Inaasahang lalabas ito sa Philippine Area of Responsibility ngayong gabi o madaling-araw ng Huwebes.
Ayon sa PAGASA, maaari pang lumakas ang bagyo habang nasa West Philippine Sea.
Ilan pang lugar na nasa ilalim ng babala:
Signal No. 3: Hilagang Palawan at Cuyo Islands.
Signal No. 2: Katimugang Occidental Mindoro at gitnang Palawan, kabilang ang Puerto Princesa at Kalayaan Islands.
Signal No. 1: Bahagi ng Mindoro, Romblon, Palawan, Antique, at Aklan.
Nagbabala ang PAGASA na maaaring makaranas ng malalakas na ulan, matitinding hangin, at storm surge ang mga lugar na malapit sa dinaanan ng bagyo.
Ayon sa NDRRMC, umabot na sa 52 ang nasawi dahil kay Tino—50 sa Central Visayas at dalawa sa Western Visayas. May 13 nawawala at 10 sugatan. Tinatayang 706,549 katao o 203,595 pamilya ang apektado sa Mimaropa, Bicol, Visayas, at Caraga. Higit 348,000 ang nananatili sa mga evacuation center.
Sinuspinde rin ang klase sa ilang bahagi ng Palawan at karatig na probinsya dahil sa epekto ng bagyo. Santi Celario