MANILA, Philippines — Makikipagpulong si Jonvic Remulla sa mga pambansang lider ng fraternity na Tau Gamma Phi matapos ang umano’y hazing death ng isang college freshman sa Cavite.
Sa isang press briefing, sinabi ni Remulla na nakatakda ang pulong sa Biyernes ng umaga.
“I am very concerned because, noong governor ako, nangyari na ito sa Cavite rin,” aniya, na tumutukoy sa hazing death noong 2023 ng chemical engineering student na si John Matthew Salilig na natagpuang nakabaon sa isang bakanteng lote sa Imus, Cavite.
“It disturbs me na, hanggang ngayon, hindi pa rin natututo yung fraternity sa kanilang mga practice. It seems that Tau Gamma has had one too many, so kakausapin ko ‘yung national leadership nila to put an end to this cycle of violence,” dagdag niya.
Ang pahayag ay kasunod ng pagkamatay ng 19-anyos na maritime student na si Kenneth Alcedo na umano’y nagtamo ng matinding pinsala sa hazing rites.
Dinala si Alcedo sa isang ospital sa General Trias noong Marso 1 ng tatlong indibidwal na unang nagsabing biktima siya ng hit-and-run. Ngunit sinabi ng mga tauhan ng ospital sa pulisya na dead on arrival na ang estudyante.
Ayon kay Ariel Red, tinutugis ngayon ng pulisya ang 21 indibidwal na may kaugnayan sa insidente, kabilang ang siyam na suspek at iba pang persons of interest. Santi Celario