Home NATIONWIDE SINAG: Presyo ng bigas bakit ‘di pa bumababa?

SINAG: Presyo ng bigas bakit ‘di pa bumababa?

MANILA, Philippines- Kinuwestiyon ng farmers group na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) nitong weekend kung bakit hindi pa bumababa ang presyo ng bigas sa kabila ng kautusan ng pamahalaan na pagbabago sa import duty rates.

Base kay SINAG President Rosendo So, makikita sa kanilang monitoring na ang presyo ng well-milled rice ay pumapalo sa P43 hanggang P44 kada kilo, habang ang regular milled rice ay nagkakahalaga ng P42 kada kilo.

“Ang tinataka  natin, ‘yung retail price bakit hindi bumababa pa,” pahayag ni So, batay sa ulat nitong Linggo.

Ayon sa monitoring ng Department of Agriculture (DA), makikitang ang presyo ng bigas sa Metro Manila ay P47 hanggang P65 kada kilo para sa imported commercial rice, at mula P45 hanggang P65 kada kilo para sa local commercial rice noong Hunyo 27, 2024, depende sa variety.

Kasunod ito ng pagpapababa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa ilalim ng Executive  Order 62, ng tariff rates para sa bigas sa 15% hanggang 2028 mula sa nakaraang 35%.

“Every time na bumababa tayo ng taripa, ang gagawin lang ng exporting country is itataas nila ‘yung presyo nila doon,” ani So.

“‘Yung subsidy na dapat ay makolekta ng taripa papunta sa ating mga magsasaka  eh ang mangyayari, kung itinaas nila ‘yung presyo sa exporting,  advantageous doon sa mga magsasaka ng other countries,” patuloy niya.

Wala pang komento ang DA ukol dito. RNT/SA