Home OPINION SISTEMANG HUSTISYA, BUHAY NA BUHAY

SISTEMANG HUSTISYA, BUHAY NA BUHAY

SINONG may sabi na patay ang sistema ng hustiya sa Pilipinas kaya dapat isailalim ito sa International Criminal Court?

Buhay na buhay ang katarungan at tanda rito ang paglaya ni dating Senador Leila de Lima mula sa tatlong kasong droga na isinampa laban sa kanya ng nakaraang administrasyong Duterte.

Kasama sa mga ikinaso sa kanya ang umano’y pagtanggap nito ng milyon-milyong piso mula sa druglord na nakapiit sa Bilibid para gamitin sa pagkampanya nito sa Senado.

Kapalit naman nito ang kalayaan ng mga druglord sa Bilibid na magpatuloy sa negosyo nilang iligal.

May kaso ring pakikipagsabwatan umano nito sa ilang sangkot sa droga nang siya pa ang Department of Justice Secretary.

Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng mga prosecutor kung aapela sa hukuman o hindi.

Lalo’t sinasabing kakulangan lang sa ebidensya ang dahilan ng pagpapawalang-sala kay De Lima at hindi sa walang kaduda-dudang kawalan nito ng pagkakasala.

Magkaibang batayan sa acquittal o pagpapawalang-sala ang “kakulangan sa ebidensya” at “walang kaduda-dudang kawalan ng pagkakasala” o kawalang talaga ng ginawang krimen.

Ngunit pareho ang mga batayang ito na patungo sa acquittal ng nasasakdal.

HINDI LANG PARA SA MGA NAPATAY

Ang pagkakaintindi ng iba, para lang sa mga napatay sa kasagsagan ng giyera sa droga ang usaping pangkatarungan at hindi kasali ang mga kaso ni De Lima.

At katunayan, sinasabi mismo ni De Lima na tutulong ito sa pagsasampa ng kaso o paglilitis ng ICC sa mga kasong kaugnay ng mga namatay o nasugatan sa drug war.

Pero mismong si Pang. Bongbong Marcos ang naghahayag na buhay na buhay ang sistemang hustisya sa Pilipinas.

Matatandaang naging paninindigan ng Marcos administration na walang karapatan o awtoridad na mag-imbestiga sa loob ng Pilipinas ang mga prosecutor ng ICC at wala ring hurisdiksyn ang ICC sa mga kaso sa Pilipinas.

Kung ipipilit ng ICC na magsagawa ng imbestigasyon at paglilitis sa mga isinasangkot sa mga kasong droga, kalabisan na ito at pakikialam na sa panloob na mga usapin ng ating bansa.

Kapag pinayagan nga naman ang ICC na gawin ang gusto nito sa Pilipinas at sa mga Pilipino ng mismong administrasyong Marcos, hindi nakatitiyak ang kanyang administrasyon na hindi masusuong sa parehong kalagayan dahil meron pa ring mga napapatay ng mga pulis sa mga sangkot sa droga.

At batik din sa Marcos administration ang pagbibigay sa mga dayuhan ng paghawak ng sistemang pangkatarungan sa harap ng malinaw na katotohanan na gumagana ang mga ang mga hukuman, piskalya, kulungan at pulisya ng Pilipinas.

Hindi nga dapat makialam ang mga dayuhan sa mga usaping panloob ng Pilipinas dahil may sariling batas, kapangyarihan at diskarte ang mga Pilipino, maging sa pagkamit ng katarungan at katotohanan.