Home NATIONWIDE Solon sa gobyerno: Electric bill gamitin sa pagpapabilis ng pamamahagi ng ayuda

Solon sa gobyerno: Electric bill gamitin sa pagpapabilis ng pamamahagi ng ayuda

133
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni House Committee on Energy Vice Chairperson Arthur Yap ang pamahalaan na pabilisin ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga sektor na labis na naapektuhan ng mataas na presyo ng langis sa pamamagitan ng paggamit ng electric bills.

Ayon kay Yap, mas maayos at episyente ang paggamit ng kasalukuyang billing systems ng mga distribution utilities kaysa gumawa pa ng panibagong mekanismo ng distribusyon na maaaring maging mabagal at maaring mahaluan ng katiwalian.

“Ang electric bill ay isa sa pinakamalinis na paraan para maihatid ang target na ayuda,” ani Yap sa isang pagdinig ng Legislative Energy Action and Development (LEAD) Council.

“Dapat gamitin ng gobyerno ang mga sistemang mayroon na imbes na lumikha ng panibagong mabagal at butas na paraan ng pamamahagi,” dagdag pa nito.

Ang rekomendasyon ay ginawa ni Yap sa harap ng panawagan na mabigyan din ng ayuda ang mga nasa middle class at mga may trabaho na lubos na apektadp mg krisis.

Ipinaliwanag ni Yap na matutukoy ang mga mabibigyan ng ayuda kung titignan ang mga residential consumers na kumokonsumo ng 51 hanggang 300 kilowatt-hours (kWh) kada buwan.

Aniya, ang mga gumagamit ng 0 hanggang 50 kWh ay saklaw na ng 100% discount sa ilalim ng automatic lifeline subsidy program.

Ipinaliwanag ni Yap na batay sa 2023 Household Energy Consumption Survey, umaabot sa 266.88 kWh ang karaniwang buwanang konsumo ng kuryente ng isang ordinaryong household, kaya ang mga kumukunsumo ng 51 kwh hanggang 300 kWh na bibigyan ng ayuda ay kumakatawan sa tipikal na paggamit ng ordinaryong pamilya.

Dagdag pa niya, magiging mas mabilis at transparent ang distribusyon ng ayuda kung idadaan ito sa electric bills, dahil makikita agad ito sa buwanang statement at maiiwasan ang dobleng pagbibigay sa mga benepisyaryo na ng lifeline program.

Batay sa ulat ng Department of Energy, nasa 25.27 milyong kabahayan na ang may access sa kuryente sa buong bansa. Mayroon ding 121 electric cooperatives na pinangangasiwaan ng National Electrification Administration, bukod pa sa mga pribadong distribution utilities.

Dahil dito, sinabi ni Yap na mas magiging madali para sa gobyerno na makipag-ugnayan sa limitadong bilang ng billing entities kaysa isa-isang maghatid ng ayuda sa milyun-milyong kabahayan.

Samantala, hinikayat din ni Yap ang pamahalaan na gamitin ang Maharlika Investment Fund bilang “tail-risk structure” upang mahikayat ang mga bangko, rural banks, at foreign debt funds na magpautang sa sektor ng agrikultura.

Paliwanag ni Yap, dapat magsilbing panangga ang pondo laban sa malalaking pagkalugi sa agricultural lending upang mabawasan ang panganib para sa mga nagpapautang.

Binigyang-diin ni Yap na kung walang ganitong mekanismo, kadalasang mataas ang interes, mabigat ang collateral, o limitado ang pagpapautang sa sektor ng agrikultura.

Sa huli, sinabi ni Yap na mahalagang gamitin ng gobyerno ang mga sistemang mayroon na upang mapabilis ang serbisyo at mas mapalawak ang tulong sa mamamayan.

“Gamitin ang electric bill para sa mabilis at malinaw na ayuda. Gamitin ang Maharlika para makalikha ng risk structure na magpapasigla sa pamumuhunan sa agrikultura,” pagtatapos ni Yap. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here