MANILA, Philippines- Sabay-sabay na dumating ang mga dati at kasalukuyang senador na magkakapartido sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC) kasama ang kanilang pamilya na sumusuporta sa kanilang muling pagtakbo para sa 2025 national and local elections.
Unang natapos na maproseso ang mga dalang dokumento para sa kanyang Certificate of Candidacy (COC) filing si dating Senator Ping Lacson na sinundan ni dating Senator Tito Sotto III na sinamahan at suportado ng kanyang pamilya at ni Senator Lito Lapid.
Ayon pa kay Sotto, halos pareho sila ng “line of thinking” ni Lacson tulad ng pangangailangang suriin ang law enforcement at tignan ang kahusayan ng gobyerno gaya ng isyu kay dating Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.
Aniya, sa kanilang pagbabalik sa Senado, sinabi ni Sotto at Lacson na gusto nilang maibalik o maipatupad ang decorum na magbibigay ng magandang environment hindi lamang sa mga senador kundi maging sa mga resource person.
Sa kanyang muling pagtakbo bilang senador, sinabi ni Sotto na bukod sa mga naisulong na niyang mga batas ay isusulong din niya ang batas na may kaugnayan sa fake news at fake contents at pagreporma sa badget.
Ayon kay Lacson, nais niyang maipagpatuloy ang kanyang mga adbokasiya kapag muli siyang nahalal upang subukan muling magsilbi.
Samantala, si Sen. Lapid na tumatakbo sa kanyang ikatlong termino ay palalawigin naman ang mga batas partikular ang “Lapid Law.”
Ang nasabing batas ay para sa mga naaapi sa batas, at magkakaroon ng libreng abogado na walang bayad at libreng legal assistance.
Sinabi ni Lapid na sa tatlong taon siyang naging gobernador ng lalawigan ng Pampanga at sa ilang termino niya bilang senador ay pwede pa siyang maglingkod muli at mabigyan pa ng pagkakataon. Jocelyn Tabangcura-Domenden