MANILA, Philippines – Nanawagan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy sa mga iba pang sangkot sa flood control controversy na boluntaryo nang sumuko kasabay ng pagkakaresto sa 8 nang sangkot sa maanomalyang flood control project sa Oriental Mindoro.
Ang pahayag ay ginawa ni Dy bilang suporta din sa nauna nang panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga sangkot na sumuko na sa mga awtoridad.
“Suportado natin ang panawagan ng Pangulo na makipagtulungan at sumuko ang lahat ng sangkot. Paalala rin na may pananagutan sa batas ang sinumang nagkukubli o humahadlang sa pag-usad ng mga hakbang na ito,” pahayag ni Dy.
“Ayon mismo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., anumang posibleng kaso ay dapat nakabatay sa kabuuang ebidensya, at ang Ombudsman ay dapat tumugon sa direksyong itinuturo nito. Sumasang-ayon tayo rito, dahil ang ebidensya ang dapat maging batayan ng pananagutan,” dagdag pa nito.
Nanindigan din si Dy na hindi makikialam at hindi gagawa ng sariling imbestigasyon ang Kamara ukol sa flood control controversy at hahayaan ang Independent Commission for Infrastructure(ICI) na syang solong gumawa ng pag-iimbestiga.
“The position of the lower chamber remains resolute, as it is committed to upholding due process and supporting the institutions responsible for investigating the matter.”pahayag ni Dy.
Kasabay nito ay binantaan ni Dy ang sinumang mambabatas na magkakanlong ng mga suspek sa flood control na mahaharap ang mga ito sa legal consequences.
“We support the president’s call for all those involved to cooperate and surrender. It is also a reminder that anyone who hides or obstructs these efforts will be held accountable under the law,” pagtatapos pa nito. Gail Mendoza