Home METRO Special panel nilikha para sa paghahanap sa nawawalang pageant contestant, kasintahan

Special panel nilikha para sa paghahanap sa nawawalang pageant contestant, kasintahan

MANILA, Philippines- Bumuo ang PNP Tarlac Provincial Office ng special committee sa nawawalang indibidwal upang pabilisin ang imbestigasyon sa kinaroroonan ng beauty pageant contestant na si Geneva Lopez at kanyang Israeli boyfriend na si Yitshak Cohen.

Nawawala ang magkasintahan mula pa noong Hunyo 21.

Natagpuan ang ilang gamit nila sa isang sunog na SUV.

“It is composed of different PNP units and other agencies para mas mapabilis natin ang pag-conduct ng investigation. At least magkaroon tayo ng lateral coordinations sa mga involved PNP units,”pahayag ni Tarlac Provincial Director Police Colonel Miguel Guzman sa isang ulat.

Sinabi rin ni Guzman na inaalam nila kung lumabas ng bansa ang magkasintahan.

“Actually pina-check din natin sa Bureau of Immigration kung may flight sila. Ganun din sa seaport. Naka lumabas sila ng bansa yun din mga possible din yon,” dagdag ng opisyal.

Hinikayat ng PNP ang publiko na maging responsable sa pagpo-post ng impormasyong may kinalaman sa kaso. Nagpaalala rin itong maging alerto laban sa pekeng impormasyon.

Iniimbestigahan na ng mga pulis ang video na nagpapakita sa nasusunog na sasakyan.

Sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Capas, Tarlac na isang concerned citizen ang nagturn-over ng footage. 

“Ongoing at fully developed na yung sunog at mapapansin namin na yung location ng fully-developed na sunog e nasa bandang driver side, passenger at parang harapan, which is engine bay na halos na engulf na ng sunog ‘yung sasakyan,” pahayag ni Fire Senior Inspector Rustico Tayag Jr., municipal fire marshall ng Capas, Tarlac. 

“Halos lahat itong mga debris na naisubmit namin sa national headquarters maraming papel sa bandang harapan. As per dito sa mga imbestigador na nakakuha parang may mga TCT at notarized documents sa mga lupa,” dagdag ni Tayag. 

Huling nakita ang nawawalang magkasintahan noong Hunyo 21 nang magtungo sila sa bayan ng Capas sa Tarlac, upang maghanap ng property na balak nilang bilhin.

Kalaunan ay nakita ang kanilang SUV na nasusunog sa kahabaan ng isang kalsada sa Capas na tila walang sakay.

Base sa municipal BFP, negatibo sa flammable substance ang debris na nakuha mula sa nasunog na sasakyan subalit hindi umano ito nangangahulugan na hindi ito sinadyang pagliyabin.

“Pwede pong lagyan ng mga combustible material like mga papel at ayon nga sa mga imbestigador nating bumbero ng Capas, marami silang nakitang abo doon na parang mga papel,” patuloy ni Fire Senior Superintendent Roberto Miranda ng PD BFP Tarlac. RNT/SA