Home NATIONWIDE Special treatment kay Sen. Imee pinabulaanan ng Ombudsman

Special treatment kay Sen. Imee pinabulaanan ng Ombudsman

MANILA, Philippines- Itinanggi ni Ombudsman Samuel Martires na binibigyan nito ng special treatment si Senador Imee Marcos kaugnay sa isinampa nitong reklamo laban sa ilang opisyal ng pamahalaan bunsod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para iharap sa International Criminal Court.

Ipinaliwanag ni Martires na ang pagbibigay pansin sa reklamo ni Sen. Marcos ay parehas lamang sa isinampang reklamo ni dating Senador Richard Gordon at Senador Risa Hontiveros sa kontrobersiya sa Pharmally.

Sinabi ni Martires na gaya ni Marcos, wala ring isinumiteng committee report noon sina Gordon at Hontiveros sa Ombudsman.

“We did not give, or I did not give special treatment to Imee na i-entertain, kasi sinasabi nila ano ito, masamang timing parang pulitika, hindi naman ako pulitiko eh,” ani Martires.

Sinagot din Martires ang reklamo ni Justice Secretary Crispin Remulla na dapat dumaan muna sa fact finding investigation ang reklamo laban sa kanila dahil ito ang unang parte ng imbestigasyon ng Ombudsman.

Nilinaw ni Martires na nitong nakaraang buwan pa niya tinanggal ang fact-finding investigation phase para agad na nareresolba ang mga isinasampang kaso sa kanila.

“Effective April 21, 2025 lahat ng kasong papasok, ay ido-double docketing agad, raffled to a bureau and then from a bureau to a lawyer, an investigator and then immediately the investigator will determine, will issue an order to file a counter-affidavit,” dagdag ni Martires. Teresa Tavares