Home NATIONWIDE “Spliced” video sa gulo sa Senado, itinanggi ng PNP

“Spliced” video sa gulo sa Senado, itinanggi ng PNP

49
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na ang kanilang mga natuklasan sa insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13 ay nakabatay sa “facts, evidence, and due process,” kasabay ng pagtanggi sa paratang na pinutol o in-edit ang CCTV footage na ginamit sa imbestigasyon.

Nag-ugat ang pahayag matapos akusahan ni suspended Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na “spliced” umano ang mga video na ipinakita ng mga awtoridad upang suportahan ang kanilang bersyon ng insidente.

Ayon kay PNP Public Information Office chief PBGen. Randulf Tuaño, ang mga ebidensyang isinumite sa Department of Justice ay kinabibilangan ng CCTV footage at iba pang nakalap na impormasyon.

“Meron naman pong proseso at forensic examination para ma-validate ‘yung mga information na isinumite ng Philippine National Police sa DOJ,” ani Tuaño.

“Matibay po ang paninindigan ng PNP kaugnay ng mga ebidensyang isinumite sa DOJ na ito ay nakaangkla sa facts, evidence, at due process,” dagdag niya.

Nauna nang ipinakita ni CIDG director Police Maj. Gen. Robert Morico II ang CCTV footage na umano’y nagpapakitang si Aplasca ang unang nagpaputok sa insidente.

Samantala, isinailalim ng Office of the Ombudsman sa anim na buwang preventive suspension si Aplasca kaugnay ng insidente ng pamamaril.

Ilang oras matapos ang kaguluhan, iniulat na umalis si Sen. Ronald Dela Rosa sa Senado patungo sa hindi isiniwalat na lokasyon matapos humingi ng proteksyon kaugnay ng arrest warrant mula sa International Criminal Court. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here