Home OPINION SSS HANDANG UMALALAY SA MGA BINAHA  NI TYPHOON CARINA AT NG HABAGAT

SSS HANDANG UMALALAY SA MGA BINAHA  NI TYPHOON CARINA AT NG HABAGAT

146
0

NAGDESISYON ang Metro Manila Council na isailalim sa “State of Calamity” ang buong National Capital Region matapos na palubugin sa baha ang maraming lugar at maapektuhan ang napakaraming residente, lalong-lalo na ang mga nakatira sa malapit sa mga ilog at mga bahaing lugar.

Sa monitoring ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay lumubog sa baha na hanggang bewang o isang palapag ng bahay ang maraming barangay sa mga lungsod ng Mandaluyong, Maynila, Marikina, Navotas, Quezon, Pasay, Pasig, Taguig at Valenzuela.

Nagkasundo ang mga alkalde at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na magdeklara ng state of calamity para kaagad matugunan ang mga residente na naapektuhan ng pagbaha na dulot ni Super Typhoon Carina na nagpa­lakas sa Habagat.

Magbibigay ng tulong pinansyal ang SSS o Social Security System sa pamamagitan ng calamity loan sa mga miyembrong naapektuhan ng Super Typhoon Carina na nagpalakas sa Haba­gat sa National Capital Region at sa mga lugar na idineklara sa ilalim ng state of calamity.

Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet na ang mga miyembro sa mga lugar na tinamaan ng bagyo ay maaaring manghiram ng loan na katumbas ng kanilang isang buwang sahod o hanggang sa pinakamataas na P20,000.

Para maging kwalipikado, ang mga miyembrong naapektuhan ng bagyo ay dapat na:

– Mayroong hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon, anim dito ay dapat nai-post sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng pag-file ng aplikasyon;

– Nakatira o naninirahan sa idineklarang calamity area;

– Mas mababa sa 65 taong gulang sa oras ng aplikasyon ng loan;

– Walang final benefit claim tulad ng permanent total ­disability o retirement;

– Walang overdue na SSS Short-Term Member Loans; at

– Walang outstanding restructured loan o calamity loan.

Sinabi ni Macasaet na ang mga interesadong miyembro ay maaaring mag-apply para sa calamity loan gamit ang kanilang My.SSS account sa pamamagitan ng www.sss.gov.ph.

Sinabi niya na ang mga miyembro ay maaaring bayaran ang calamity loan sa loob ng dalawang taon o 24 na pantay na buwanang hulog na may taunang interes na 10 porsyento.

Naniniwala ang SSS na sa pamamagitan ng calamity loan assistance, matutulungan nito ang mga miyembrong naapektuhan ng bagyo habang sila ay bumabangon mula sa masamang epekto ni ST Carina at ng Habagat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here