CAMP ROMUALDO C. RUBI, Butuan City- Isinailalim ang Agusan del Sur sa state of calamity nitong Miyerkules, kasunod ng walang humpay na pag-ulan kung saan 9,875 pamilya o 34,947 indibdiwal sa 45 barangay ang lumikas sa lalawigan at sa Surigao del Sur.
Sinabi ni Provincial board member Edwin “Cox” Elorde nitong Huwebes na inilagay ang probinsya sa ilalim ng state of calamity sa emergency session ng Sangguniang Panlalawigan sa provincial capitol sa Patin-ay, Prosperidad.
Ayon sa Office of Civil Defense-13, nananatili ang mga apektadong indibidwal sa 36 evacuation centers sa Agusan del Sur, partikular ang mga nasa ikalawang distrito ng lalawigan, at isang evacuation center sa Surigao del Sur. Nagtungo naman ang ibang flood victims sa kani-kanilang kaanak at mga kaibigan.
Anang OCD-13, dalawang bahay ang nawasak ng baha at isa ang napinsala sa bayan ng Bunawan sa Agusan del Sur.
Umapela naman si OCD-13 Regional Director Liza R. Mazo sa mga residente ng Caraga, partikular sa mga naninirahan sa low-lying areas at tabing-ilog, na maging alerto at magsagawa ng preventive measures.
“If possible, flee in safer area to avoid being hit by any untoward incident cause by flash flood,” ani OCD-13 spokesperson Ronald Brion, base kay Mazo.
Samantala, ayon sa ulat, hindi madaanan ang anim na kalsada sa Bunawan.
“All roads in Northeastern Mindanao, particularly national roads, are passable, despite continuous rains,” pahayag ni Department of Public Works and Highways-13 Regional Director Engr. Pol M. delos Santos. “My instruction to our district engineers and project engineers that economic flow (roads) must not be disturbed and immediate action must be implemented in any reported road disturbance.”
Sa kasalukuyan ay umiiral sa Caraga region ang “Blue” alert status dahil sa patuloy na ulan bunsod ng low-pressure area (LPA) at ng northeast monsoon o “amihan.” RNT/SA