WASHINTON, USA – Iniulat ng isang opisyal ng Estados Unidos na may pag-unlad sa usapan ng Iran at Oman na maaaring magbukas muli ng Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng langis sa mundo, at maibalik ang normal na pagluwas ng langis na naapektuhan ng limang buwang digmaan ng US at Iran.
Ayon sa opisyal, inaasahan ng Washington na magkakaroon ng kasunduan ang dalawang bansa, na nasa magkabilang panig ng kipot, upang maibalik ang normal na pagdaan ng mga oil tanker.
Sinabi rin niyang kapag inanunsyo ang kasunduan para sa malayang paglalayag ng mga komersyal na barko, aalisin ng US ang blockade sa mga daungan ng Iran, ngunit nakabatay pa rin ito sa pagtupad ng Iran sa mga napagkasunduan.
Bago magsimula ang digmaan noong Pebrero 28, humigit-kumulang isa sa bawat limang bariles ng langis sa mundo ang dumaraan sa Strait of Hormuz. Dahil sa labanan, naningil ang Iran ng toll sa mga tanker at umatake sa ilang barkong dumaraan nang walang pahintulot, na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng enerhiya at inflation.
Kasabay nito, lumagda ang Saudi Arabia, Pakistan, at Turkey sa isang joint defense agreement sa Mecca upang palakasin ang kanilang pagtutulungan sa depensa. Ayon sa tatlong bansa, ituturing nilang pag-atake sa lahat ang anumang armadong pag-atake sa isa sa kanila.
Samantala, patuloy ding sinusubukan ng US na mapatigil ang labanan sa pagitan ng Israel at Hezbollah sa timog Lebanon.
Sa isang panayam, ipinagtanggol ni Iranian President Masoud Pezeshkian ang pakikipag-usap sa US at sinabi niyang maraming mataas na opisyal ng militar ng Iran ang sumusuporta sa negosasyon upang tuluyang matigil ang digmaan. RNT/MDS