MANILA, Philippines – Magandang balita ang hatid ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga jeepney driver na kabilang sa “Libreng Sakay” program ng pamahalaang lungsod makaraang ianunsiyo nito ang pagtaas ng subsidiya na kanilang matatanggap mula ₱3,000 ay ginawa na itong ₱3,500 kada araw.
Sa ginawang Talk to the People ni Yorme sa kanyang social media page, sinabi niti na magmumula ang dagdag na ₱500 sa ₱661,000 na natipid ng pamahalaang lungsod sa unang araw ng operasyon ng programa nitong Lunes.
Paliwanag ni Domagoso, ang dagdag-subsidiya ay tugon sa ₱12 na pagtaas ng presyo ng krudo na inanunsiyo rin noong Lunes at ipinatupad kinabukasan sa araw ng Martes, na maaaring makaapekto sa garantisadong kita ng mga driver sa ilalim ng “Libreng Sakay” program.
“Simula sa araw na ito, malugod ko pong ina-announce na ang savings nating ₱661,000 kahapon ay idadagdag natin ngayong araw na ito,” ani Domagoso.
“Mga driver, dadagdagan ko po ng ₱500 ang bawat araw ninyo upang ma-offset ang pagtaas ng presyo ng krudo kahapon at sa mga susunod pang araw,” dagdag pa ng alkalde.
Ang bagong subsidiya na ₱3,500 ay ipatutupad sa mga nalalabing araw ng programa—Martes, Marso 31, at sa Lunes hanggang Miyerkules ng susunod na linggo.
“Ang dating ₱3,000 na ibinibigay ng Siyudad ng Maynila mula sa buwis ng mamamayan ay magiging ₱3,500 na,” aniya.
Nauna rito, naging matagumpay ang unang araw ng implementasyon ng programa kung saan umabot sa 129,665 pasahero ang naserbisyuhan ng 1,038 jeepney sa anim na distrito ng lungsod.
Sa halip na ibalik sa pondo ng lungsod, direktang ipamamahagi sa mga driver ang ₱661,000 na natipid.
“Imbes na ilagay pa ito sa kaban ng gobyerno, ibibigay na lang namin sa inyo bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng krudo,” dagdag ng alkalde.
Sa huli, nagpahayag si Domagoso ng pag-asa na may darating pang dagdag na pondo para sa lungsod.
“Kung loloobin ng Diyos na may dumating pang biyaya sa Lungsod ng Maynila, agad ko rin po itong ipagkakaloob sa inyo,” ayon pa kay Yorme Isko. JAY Reyes