Home METRO Sundalo, 2 iba pa tiklo sa konstruksyon sa protected area sa Rizal

Sundalo, 2 iba pa tiklo sa konstruksyon sa protected area sa Rizal

MANILA, Philippines – Arestado ang tatlo katao kabilang ang isang sundalo sa isang construction site sa protected area sa Antipolo, Rizal.

Ayon sa ulat, inaresto ang foreman ng naturang construction site makaraang makapagpakita ng permit mula sa Department of Environmental and Natural Resources.

Inaresto rin malapit sa lugar ang isang major mula sa Armed Forces of the Philippines na umano’y namumuno sa konstruksyon.

Nakita sa lugar ang mga heavy equipment katulad ng backhoe, tractor, cement mixer, at iba pang construction materials.

“Nakatanggap tayo ng impormasyon mula sa ating DENR-Rizal na sila ay nag-request ng investigative assistance para sa mga umuukupa sa mga protected areas in violation sa NIPAS Act at Forestry Code. Ginalaw nila ang natural appearance ng lupa, nagputol po sila ng mga punong kahoy,” ayon kay NBI Cavite District Office North chief Attorney Eric Nuqui sa panayam ng GMA News.

Nakita rin malapit sa construction site ang isang bagong gawang bahay.

“Ang area po na ito ay ang tinatawag na Upper Marikina River Basin Protected Landscape. Ito po ang unang pananggalang natin sa mga pag-ulan at pag-bagyo para ang tubig ay masala sa lugar. Sa mga patuloy na nagtatayo sa protected landscape, ang epekto po nito, mas bibilis ang pagbaba ng tubig dahil wala na yung nga puno na siyang maghohold sa tubig ulan na babagsak,” ani Nuqui.

Nahaharap sa iba’t ibang reklamo ang tatlong suspek.

“Asahan po ng ating kababayan na tuluy-tuloy ang ating pagsisiyasat hinggil dito. Di po titigil ang NBI sa pagtugis sa mga lumalabag sa ating environmental laws,” sinabi naman ni NBI CALABARZON Regional Director Eric Mercado. RNT/JGC