Home NATIONWIDE Sunog sa Navotas landfill, 79.6% kontrolado na

Sunog sa Navotas landfill, 79.6% kontrolado na

57
0

MANILA, Philippines – Iniulat ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) nitong Miyerkules na nasa 79.6% na ang containment ng sunog sa Navotas Sanitary Landfill.

Sa isang press conference sa MMDA headquarters sa Pasig City, sinabi ni MMDA chief at kasalukuyang MMDRRMC head Don Artes na nakatutok ang council sa sitwasyon sa ground, mga kasalukuyang aksyon, at kinakailangang kagamitan para sa pag-apula ng sunog.

Ayon kay Artes, “Moving forward, the incident will serve as a learning experience to improve preparedness and response capabilities.”

Iniutos rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na humingi ng teknikal na tulong mula sa mga eksperto sa Japan at United States. Parehong tumugon ang dalawang bansa at nangakong magbibigay ng tuloy-tuloy na suporta para sa Navotas.

Ayon kay Navotas City Mayor John Rey Tiangco, nananatiling normal ang air quality sa Metro Manila batay sa datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa kabila ng sunog.

Dagdag pa niya, gumagamit din sila ng drone na may thermal imaging upang matukoy kung may posibleng pagliyab pa sa 44-hectare na lugar.

Ipinunto rin niya na hindi naipatupad ng operator ang closure at rehabilitation plan ng landfill, na lumalabag sa Environmental Compliance Certificate (ECC).

Patuloy ang operasyon ng NSLF Task Group na pinamumunuan ng lokal na pamahalaan ng Navotas, gamit ang soil covering, smothering, at misting para apulahin ang apoy. Nagsimula ang sunog noong Abril 10 at patuloy na tinutugunan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here