MANILA, Philippines – Naibalik na ang suplay ng kuryente sa anim na bayan sa Lanao del Norte matapos ang halos isang araw na pagkawala nito, ayon sa Lanao del Norte Electric Cooperative.
Ayon kay Sherwin Mañada, Laneco general manager, nawalan ng suplay ng kuryente sa mga bayan ng Balo-i, Matungao, Linamon, Munai, Bacolod, Maigo at Poona Piagapo nitong Biyernes, Hulyo 18, matapos na maapektuhan ng mga natumbang puno ang kanilang distribution lines.
Inabot ng halos 17 oras ang isinagawang preventive maintenance sa mga lugar na ito bago maibalik ang suplay ng kuryente.
Naapektuhan din ng power interruption ang mga bayan ng Kauswagan, Magsaysay, Tubod, Kolambugan, Sultan Naga Dimaporo, Tangcal, Nunungan, Kapatagan, Lala, Savador, Sapad, at Baroy nitong Biyernes ngunit naibalik din agad.
Samantala, sinabi naman ni Roy Secuya, operations officer ng provincial disaster risk reduction and management office ng Lanao del Norte, na mayroong isang bata ang nasawi matapos na mabagsakan ng puno ang kanilang tirahan sa Barangay Sto. Niño, sa bayan ng Tubod.
Ani Secuya, natutulog ang mga miyembro ng pamilya nang mangyari ang insidente. RNT/JGC