MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Energy (DOE) sa publiko na mananatiling matatag at ligtas ang suplay ng kuryente sa panahon ng Undas, o paggunita sa Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa.
Nakikipag-ugnayan ang DOE sa mga power generation company, National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), at mga distribution utility upang masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo at may nakahandang contingency measures sakaling tumaas ang demand o magkaroon ng localized na aberya.
“Undas is a time for reflection, remembrance, and family unity,” sabi ni DOE Supervising Undersecretary Mario Marasigan.
“As we pay our respects to those who have passed, let us also honor them by embracing energy conservation and making choices that secure a brighter future for all Filipinos.”
Pinaalalahanan ng DOE ang publiko na patayin ang hindi ginagamit na appliances, suriin ang electrical connections, at ayusin ang sirang wiring upang maiwasan ang panganib.
Para sa mga biyahero, inirekomenda ng ahensya ang maingat na pagpaplano ng biyahe, maayos na kondisyon ng sasakyan para sa fuel efficiency, at pagsasaalang-alang sa carpooling o pampublikong transportasyon.
Sa pagbisita sa sementeryo, hinihikayat ang paggamit ng energy-efficient na ilaw gaya ng LED candles o solar lamps, at wastong pagtatapon ng baterya at e-waste. Dave Baluyot