MANILA, Philippines – SUMUKO ang suspek sa pagpatay sa isang pulis ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Cebu City sa himpilan ng pulisya sa Pasig City noong Miyerkules ng gabi.
Dumating ang suspek kasama ang dalawang konsehal ng Pasig City na tumulong sa kanyang pagsuko.
Ayon kay Pasig City Police Chief Col. Hendrix Mangaldan, napilitan at nagdesisyong sumuko ang suspek dahil sa nationwide manhunt laban sa kanya. Lumipad ang suspek patungong Metro Manila matapos patayin si Capt. Joel Deiparine, assistant chief ng Intelligence Section ng PNP-CIDG Regional Field Unit 7.
Nangyari ang insidente noong Sabado sa Barangay Suldon 2, Cebu City, habang nagsasagawa ng casing at surveillance operations laban sa isang gun-for-hire na suspek.
Matapos sumuko, dinala na ang suspek pabalik sa Cebu upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)