Home METRO Suspek sa pagpaslang sa fast-food employee sumuko na

Suspek sa pagpaslang sa fast-food employee sumuko na

MANILA, Philippines- Sumuko na sa Quezon City Police District (QCPD) ang suspek sa pananaksak na kumitil sa isang 25-anyos na fast-food employee, kinumpirma ng mga awtoridad nitong Biyernes.

Kinilala ni QCPD Officer-in-Charge Col. Randy Glenn Silvio ang suspek na si “Eduardo,” 22, dating empelyado sa parehong establisimiyento. Kusa siyang sumuko ilang araw matapos ang insidente.

Nadiskubre ang bangkay ng biktima sa kusina ng store dakong alas-8:50 ng umaga noong Mayo 4. Naniniwala ang mga imbestigador na pumasok si Eduardo sa tindahan ng gabi bago ang insidente, pinagsasaksak ang biktima, saka tumakas.

Ayon sa mga pulis, nakatanggap sila ng tip mula sa kapatid ng suspek na nagpapahiwatig ng pagnanais ni Eduardo na sumuko.

Sa tulong ng Police Regional Office 13, sumuko siya sa Barobo Municipal Police Station sa Surigao del Sur noong Mayo 8.

Kinabukasan, opisyal siyang inilipat sa QCPD at nakatakdang kasuhan ng murder sa Quezon City Prosecutor’s Office. RNT/SA