THE HAGUE, Netherlands – Tatalakayin ng mga partido sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ang tamang paghawak sa kumpidensyal na impormasyon sa susunod na status conference sa Hunyo 23.
Ayon sa utos ng ICC Trial Chamber III noong Hunyo 18, kabilang sa mga pag-uusapan ng prosekusyon, depensa, at mga kinatawan ng mga biktima ang pagbuo ng protocol para sa confidential information, mga deadline para sa pagsusumite ng obserbasyon sa ulat ng mga medical expert, iskedyul ng susunod na status conference, at limitasyon sa haba ng trial brief ng prosekusyon.
Kasama rin sa agenda ang usapin tungkol sa “public statements made by counsel,” bagamat hindi tinukoy kung sinong abogado ang tinutukoy.
Tatlong status conference ang nakatakdang isagawa bago ang paglilitis, na magsisimula sa Nobyembre 30. Layunin ng mga ito na ihanda ang korte sa mga detalye at mahahalagang usapin ng kaso.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng murder as a crime against humanity bilang umano’y indirect co-perpetrator sa madugong kampanya kontra droga na nagresulta sa libu-libong pagkamatay.
Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa Scheveningen detention facility sa The Hague, Netherlands habang isinasagawa ang pagsusuri ng mga medical specialist na itinalaga ng ICC.
Inaasahang maisusumite sa Agosto ang ulat ng tatlong eksperto, na magiging batayan ng ICC sa anumang kinakailangang hakbang o pag-aayos para sa kalagayan ni Duterte, na obligadong dumalo bilang akusado sa paglilitis. RNT/MND