MANILA, Philippines- Sa kabila ng epekto ng bagyong Carina at ng Southwest Monsoon (Habagat), opisyal na binuksan ng Department of Education (DepEd) ang School Year 2024-2025, kung saan nagtungo ang mga estudyante, kasama ang kanilang mga magulang at guardian, sa mga paaralan nitong Lunes ng umaga.
Batay sa enrollment data ng DepEd hanggang alas-7:30 ng umaga nitong Lunes, mayroong 19,870,531 estudyanteng naka-enroll sa public at private schools, kabilang ang state and local universities and colleges (SUCs/LUCs), at Alternative Learning System (ALS).
Mayorya ng mga estudyante sa bansa ang naka-enroll sa mga pampublikong paaralan sa 17.3 milyon.
Karamihan sa enrollees ay mula sa Calabarzon sa 2.8 milyon, sinundan ng Central Luzon sa 2.2 milyon at ng National Capital Region sa 2.1 milyon.
Naitala ang pinakamababang bilang ng enrollees sa Cordillera Administrative Region sa 242,437.
Libo-libong paaralan naman ang apektado ng masamang panahon, na nagresulta sa pagpapaliban ng halos 979 paaralan ng pagbubukas ng klase.
Umpisa ngayong school year, unti-unti nang ibabalik ang dating school calendar mula Hunyo hanggang Marso.
Nakatakdang matapos ang SY 2024-2025 sa Abril 15, 2025, habang kasado ang susunod na academic year sa Hunyo 16, 2025, at matatapos sa Marso 31, 2026. RNT/SA