BATANGAS, Philippines – Dalawang minor phreatomagmatic eruption ang naitala sa Taal Volcano mula Miyerkules ng gabi, Oktubre 21, hanggang madaling-araw ng Huwebes, Oktubre 22, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, naganap ang unang pagsabog noong alas-11:41 ng gabi ng Miyerkules, habang ang ikalawa ay nangyari alas-4:52 ng madaling-araw ng Huwebes sa Taal Volcano Island. Umabot sa 3,000 metro ang taas ng mga ibinugang plume mula sa pangunahing crater lake.
Dahil dito, umabot na sa walo ang naitalang volcanic events ngayong Oktubre. Kabilang dito ang mga phreatic eruption noong Oktubre 19, 20 at 21, at mga phreatomagmatic eruption noong Oktubre 8, 21 at 22.
Ipinaliwanag ng Phivolcs na nangyayari ang phreatomagmatic eruption kapag marahas na nag-uugnayan ang magma at tubig, habang ang phreatic eruption ay dulot ng singaw mula sa mabilis na pag-init ng tubig sa ilalim o ibabaw ng lupa dahil sa magma, lava o maiinit na bato.
Sa bulletin nitong Huwebes, iniulat din ng ahensya ang dalawang yugto ng volcanic tremor na tumagal mula dalawang minuto hanggang humigit-kumulang 35 oras. Naitala rin ang sulfur dioxide emissions na 575 metric tons, habang umabot sa 3,000 metro ang taas ng sulfur dioxide plume bago tinangay ng hangin.
Wala namang naobserbahang pag-angat ng maiinit na volcanic fluid sa pangunahing crater lake at wala ring naitalang volcanic smog o “vog” sa monitoring period.
Sa kabila ng mga pagsabog, nananatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, na nangangahulugan ng mababang antas ng volcanic unrest.
Nagbabala ang Phivolcs na maaari pa ring magkaroon ng biglaang phreatic explosion, volcanic earthquake, bahagyang ashfall at mapanganib na pag-ipon o pagbuga ng volcanic gas. Muling ipinagbawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island at ang pagpapalipad ng sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan. RNT/MDS