Home NATIONWIDE Taas-pasahe sa LRT-1 nagbabadya

Taas-pasahe sa LRT-1 nagbabadya

MANILA, Philippines – Posibleng maranasan ng mga pasahero ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ang mas mahal na pamasahe ngayong taon sakaling ang petisyon na inihain ng concessionaire Light Rail Manila Corp. (LRMC) ay aprobahan ng mga awtoridad sa transportasyon.

Sinabi ng tagapagsalita ng LRMC na si Jackie Gorospe, kinukumpirma niyang nagsumite sila ng petisyon bilang bahagi ng periodic fare adjustment process.

Ang Rail Regulatory Unit ng Department of Transportation (DOTr) ay nakatakdang magsagawa ng public hearing sa LRMC’s fare increase petition sa Enero 9, 2025.

Noong 2023, inaprubahan ng DOTr na itaas ang minimum boarding fee para sa parehong LRT Line 1 at 2 sa P13.29 mula P11 at ang kada kilometrong biyahe na P1 ay itinaas sa P1.21 kada kilometro.

Ang LRT1, na isinapribado noong 2015, ay naghain ng mga petisyon para sa pagsasaayos ng pamasahe noong 2016, 2018, 2020, at 2022, na lahat ay ipinagpaliban.

Ang LRMC ay pinapayagang mag-aplay para sa mga pagsasaayos ng pamasahe “ng hindi bababa sa 10.25% kada dalawang taon pagkatapos ng bisa ng kontrata.”

Sa isang pahayag tumutol ang militanteng grupong Bayan sa panukalang pagtaas ng pamasahe sa LRT-1.

Sinabi naman ng militanteng grupong Bayan na ang LRMC ay nagmumungkahi ng makabuluhang pagtaas ng average na P7.48 kada pasahero.

Samantala, magkakaroon ng average na pagtaas ng P8.65 para sa mga “Short-Distance Passenger” o mga pasaherong bumibiyahe ng limang kilometro o mas mababa sa train system.

Magkakaroon din ng average na pagtaas na P12.50 lamang para sa mga “Long-Distance Passenger” o mga pasaherong bumibiyahe ng mahigit 16 kilometro sa train system.

Dahil dito, ang pinakamataas na pamasahe na P45 para sa single journey tickets ay makikitang tataas sa P60 sakaling maaprubahan ang petisyon sa pagtaas ng pamasahe na kinumpirma rin ni Gorospe. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)