Home NATIONWIDE Tagumpay ni Mayor Benitez sa 2022 elections pinagtibay ng Comelec

Tagumpay ni Mayor Benitez sa 2022 elections pinagtibay ng Comelec

MANILA, Philippines- Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang motion for reconsideration na inihain ni dating Mayor Evelio Leonardia sa pagbasura sa kanyang election protest laban kay Mayor Alfredo Abelardo “Albee” Benitez kaugnay ng May 2022 national at local elections.

Isang kopya ng pitong pahinang resolusyon ng Comelec en banc na may petsang Abril 23, 2024 na nilagdaan ni Chairman George Erwin Garcia ang ibinigay ng kampo ng alkalde sa media noong Biyernes, Mayo 24.

“The Commission en banc resolved, as it hereby resolves, to dismiss the Motion for Reconsideration dated September 19, 2022, filed by protestant Evelio R. Leonardia and affirms the order of the Commission’s (Second Division) dated September 7, 2022,” saad sa resolusyon.

Nakasaad din na nabigong magbigay ng ebidensya upang bigyang-katwiran ang pangangailangan na buksan at baguhin ang lahat ng mga balota ng 450 clustered precincts , bukod sa katotohanan na ang petisyon ay “insufficient in form and content”

“For this reason, the eagerness of protestant to seek revision of all 450 ballots of the clustered precincts in Bacolod City is misplaced. Unquestionably, the grounds recited in the protest will not require a revision of the ballots,” ayon sa resolusyon .

Inihain ni Leonardia ang mosyon na naglalayong ipawalang-bisa ang utos ng Comelec (Second Division) na may petsang Setyembre 7, 2022, dahil sinabi niya na ang “electoral fraud and irregularities are proper grounds for an election protest.”

Sa kanyang protesta sa halalan, binatikos ni Leonardia ang mga resulta sa lahat ng presinto na nagbibintang ng malawakang pandaraya, iregularidad, at pagbili ng boto ni Benitez at ng kanyang mga taga-suporta.

Sa resolusyon nitong Abril 23, 2024, nagpasya ang Commission en banc na tanggihan ang Motion for Reconsideration alinsunod sa Section 1, Rule 19 ng Comelec Rules of Procedures. Binibigyang-diin ng komisyon na ang protestant ay hindi naglabas ng mga batayan o nagharap ng mga bagong bagay o isyu na nararapat sa overruling ng utos ng Komisyon (Second Division).

Sa botohan noong Mayo 2022, nakakuha si Benitez ng 171,893 boto laban sa 107,447 boto ni Leonardia, o margin na 64,446 na boto.

Sinabi ng tagapagsalita ni Benitez na si Caesar Distrito na muling nanaig si Benitez sa pinakahuling desisyon ng Comelec.

Sinabi ni distrito na ang desisyon ng Comelec ay isang malinaw na manipestasyon na ang kanilang mga election protest ay puro harassment at walang legal at factual basis.

Aniya, ang pagtanggi sa mosyon ay magpapawi na ngayon sa anumang pagdududa sa tagumpay ni Benitez na ibinato ng kampo ni Leonardia.

“Mayor Albee won clearly and convincingly with a margin of 64,446 votes. The people had spoken, and so the Comelec,” dagdag pa. Jocelyn Tabangcura-Domenden