Home OPINION TAMA NA PULITIKANG PADRINO

TAMA NA PULITIKANG PADRINO

132
0

ISA si Senador Robin Padilla sa mga pangalang lumulutang para sa bise presidente sa 2028, higit dahil sa kanyang “winnability.” Kung kasikatan lamang ang batayan ng pamumuno, hindi na tayo mauubusan ng mga artistang tatakbo sa puwesto.

Ang kanyang tugon: kung uutusan siya ni dating pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo, susunod siya.

Hindi man niya sinabing gagawin niya ang anomang iutos, malinaw ang mensahe — ang kanyang ambisyon ay nakatali sa kagustuhan ng iba. Kung ganito ang kaisipan ng posibleng lider, anong uri ng pamumuno ang maaasahan ng bansa?

Sa kasamaang-palad, ganito rin ang lohika ng maraming Duterte Diehard Supporters: kung sabihin ni Duterte, susunod sila. Ngunit ang tanong — ito nga ba ang tunay na nais ng mga Pilipino, o bunga lamang ng bulag na katapatan?

Malayo pa ang halalan, ngunit ngayon pa lang dapat itanong ng mga botante kung ang kanilang katapatan ay para sa isang tao o para sa bayan.

Ang katotohanan: hindi na babalik sa pagkapangulo si Rodrigo Duterte. Ang natitira niyang impluwensya ay ang pag-endorso — hindi laging batay sa kakayahan, kundi sa katapatan.

At dito nagsisimula ang panganib.

Ang pwesto sa gobyerno ay hindi pabor na ipinagkakaloob ng padrino. Ang pagtakbo sa mataas na posisyon dahil lamang sa utos ng isang dating lider ay pagbawas sa dangal ng tungkulin. Hindi ito pamumuno, kundi pagsunod na binihisan bilang serbisyo publiko.

Kapag tinanggap ito ng bayan, nanganganib tayong maghalal ng mga tagasunod, hindi ng mga tunay na lider.

Makikita ang panganib na ito sa nangyari noong 2022.

Ayon kahit sa ilang DDS, hindi umano naniniwala si Rodrigo Duterte na handa si Sara Duterte sa pagkapangulo, at mas nais niya si Senador Bong Go bilang kahalili. Para sa marami, makatwiran ito: may pambansang pagkilala si Go at tila natural na pagpapatuloy ng liderato ni Duterte.

Ngunit pinili ni Sara Duterte na makipag-alyansa kay Ferdinand Marcos Jr., na nagbukas ng landas sa pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang kapalit ng sarili niyang pag-angat.

At alam na natin kung saan nauwi ang alyansang iyon.

Ito ang panganib ng pulitikang nakabatay sa padrino. Kapag ang pinipili ay batay sa katapatan, pamilyaridad, o hiniram na kasikatan — hindi sa kakayahan at bisyon — nagiging bahagi ng kapangyarihan ang pwesto, hindi instrumento ng pag-unlad.

* * *

Tulad sa larong Chess, si Zaldy Co — ang diumano’y “hari” ng flood control scam — ay sa wakas naipit na. Inaresto sa Czech Republic, dumating na ang kanyang huling galaw.

Czechmate! (Galing! Naisip mo pa iyon? Ha! Ha! Ha!-Ed)

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here