Home OPINION TAMANG ‘DUE PROCESS’ IPAGLABAN

TAMANG ‘DUE PROCESS’ IPAGLABAN

ISANG buwan na ang nakalilipas pero nananatiling mainit pa rin ang usapin hinggil sa ginawang pagdakip kay Former President Rodrigo Roa Duterte sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court.

Para sa mga eksperto sa batas, malinaw ang nakasaad sa ating Saligang Batas na ang karapatan ng bawat Pilipino ay hindi pwedeng tapak-tapakan, kahit magmula sa internasyonal na hukuman ang utos.

Nakasaad kasi sa ilalim ng 1987 Constitution, malinaw na anomang warrant na manggagaling sa ibang bansa ay kailangang dumaan muna sa korte ng Pilipinas.

Nangangahulugan na hindi pwedeng i-silbi agad-agad sa isang Pilipino ang warrant of arrest na galing sa ibang bansa nang walang pahintulot ng ating mga hukom.

Malinaw yan dahil yan ang tinatawag na due process, batayan ng ating karapatan na protektado ng ating Saligang Batas.

Kahit gaano kabigat ang paratang, hindi ito dahilan para laktawan ang proseso ng batas dahil lahat ng Pilipino, sikat man o hindi, politiko man o ordinaryong mamamayan, ay may karapatang ipagtanggol ang sarili sa ating korte.

Bilang isang abogado na eksperto sa batas, pilit na ipinaliwanag ni Senator Alan Peter Cayetano ang umiiral na batas sa ilalim ng Konstitusyon sa isyu ng umano’y paghatid kay FPRRD sa ICC.

Sa paniwala ni Cayetano, kapag pumayag tayong palampasin ang isang foreign warrant na hindi dumaan sa korte ng Pilipinas, hindi lang isang tao ang nilalampasan nito kundi ang buong sambayanang Pilipino.

May punto ang senador dahil ngayon, si Duterte, eh baka bukas makalawa, ikaw o tayo na ang maharap sa kahalintulad na sitwasyon, kaya ganoon kabigat talaga ang usaping ito.

Hindi ito tungkol sa pagpanig kay Duterte o sa pagtatanggol sa dating administrasyon, kundi ito ay usapang pagrespeto sa sariling batas dahil kung may pagkukulang sa proseso, aba’y dapat lang na may kailangang managot.

Kasi nga, kapag hinayaan nating ma-shortcut ang batas, baka tuluyan na itong balewalain sa mga susunod pang kaso. Kung hindi natin ipaglalaban ang due process ngayon, huwag tayong umasa na igagalang ito bukas. Ano sa palagay ninyo?