MANILA, Philippines- May nanalo na! May nanalo na!
Ito ang sigaw ng libo-libong tagasuportang Manilenyo na naghatid sa tambalang Isko Moreno Domagoso at Chi Atienza sa satellite office ng Comelec sa SM Manila sa huling araw ng filing of candidacy sa SM Manila nitong Martes, Oktubre 8.
Naghain ng kanyang Certificate of Candidacy si dating Manila Mayor at magbabalik na alkalde ng Lungsod ng Maynila na si Isko Moreno Domagoso kasama ang kanyang Bise Alkalde na si Chi Atienza, na anak ng dating Mayor Lito Atienza.
Sa panayam kay Domagoso, una nitong gagawin sa oras na makabalik bilang alkalde ng kabisera ng bansa ay ang ipatupad ang “minimum basic needs” kabilang na dito ang pamamahagi sa mga kwalipikadong pamilyang Manilenyo ng mga natapos ng pabahay na nasa ilalim ng “In city vertical housing program” ng gobyerno na sinimulan pa noong unang termino nito.
Pabubuksan na din ni Domagoso ang ospital sa Baseco kung saan tatlong taon na umano itong natapos.
Bukod umano sa pabahay at health care ay muling tututukan ng administrasyon ni Domagoso edukasyon at ang pagbibigay ng trabaho sa Manilenyo.
Maging ang mga hinaing ng mga senior citizen sa Maynila ay bibigyang solusyon ni Domagoso sakaling makabalik ito tulad ng pagsasaayos sa pamamahagi ng kanilang pensiyon at pagbalik ng iniinum nilang gatas na nagbibigay lakas sa mga senior.
Samantala, naghain na din ng kandidatura sa pagka-Konsehal sa unang distrito ng lungsod ang anak ni Yorme Isko na si Joaquin Domagoso.
Maging ang kilalang singer actress at vlogger na si Mocha Uson ay naghain na din ng kanyang kandidatura bilang konsehal ng ikatlong distrito sa Maynila.
Makakaharap ng tambalang Isko at Chi ang kasalukuyang Mayor at Vice Mayor ng Maynila na sina Honey Lacuna at Yul Servo gayundin ang bagong sasabak na sina Sam Versoza at Niño Magno; at Mag-amang Michael at Solomon Say. JR Reyes