MANILA, Philippines- Lumakas lalo ang bentahe na muling makabalik bilang alkalde ng Lungsod ng Maynila si dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso makaraang iendorso ng Iglesia ni Cristo (INC) ang kanilang kandidatura ng kanyang katambal na si Vice Mayoralty candidate Chi Atienza, kulang isang linggo bago ang halalan sa Mayo 12, 2025.
Bukod sa pag-endorso ng INC sa tambalang Isko at Chi, matatandaang nanguna sila sa pinakahuling survey ng Octa research nitong Abril 20 hanggang 23, 2025 sa 710,980 respondents mula sa anim na distrito ng Maynila, kung saan nakakuha ng kabuuang 63% voter preference si Domagoso kumpara sa mga katunggali nito na sina incumbent Mayor Honey Lacuna na 18%, Sam Versoza na 16% at Raymond Bagatsing na 1%.
Habang si Chi Atienza naman ay nakakuha ng 60% voter preference kumpara sa katunggali nito na kasalukuyang Vice Mayor ng Maynila na si Yul Servo Nieto na nakakuha lamang ng 33%.
Kilala ang INC sa kanilang paglalabas ng direktiba sa kanilang mga miyembro na iboto ang kandidato na kanilang inendorso o sa pamamagitan ng “block voting” sa tuwing idaraos ang halalan sa ilalim ng kanilang prinsipyo ng pagsunod at adbokasiya ng pagkakaisa.
Bukod kina Domagoso at Atienza, nag-endorso rin ang INC ng mga tumatakbong kongresista at mga konsehal mula sa una hanggang ika-anim na distrito ng Lungsod ng Maynila kung saan 26 mula sa kabuuang 36 kandidato ng Yorme’s Choice ang kanilang naendorso bagama’t hindi pa opisyal na inilalabas ng pamunuan ang opisyal na listahan ng mga ito sa publiko.
Si Domagoso ay naging alkalde ng lungsod nang magwagi sa ginanap na mid-term election noong 2019 kung saan nilamangan niya ng malaki ang mga katunggali, kabilang ang incumbent mayor na sina dating Pangulong Joseph Estrada at dating Mayor Alfredo Lim.
Muling tumakbo si Domagoso bunsod na rin sa panawagan ng mga Manilenyo na bumalik bilang Ama ng Lungsod matapos hindi palarin sa pagtakbo sa presidential election noong taong 2022.
Napanatili naman ni Domagoso at Atienza ang pamamayagpag sa mga survey simula ng kanilang paghahain ng kandidatura hanggang sa isang linggo bago ang halalan, bitbit ang plataporma ng pagbabalik ng lungsod sa kalinisan, disiplina, kaayusan, at kapanatagan ng loob ng mamamayan sa pamamagitan ng kanyang konsepto na ang gobyerno ay dapat walang tulugan. JR Reyes