MANILA, Philippines – Nakatakdang magpataw ang Pilipinas ng mas mababang taripa sa imported food para i-temper ang domestic prices habang nagpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis.
Hindi naman nagbigay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng bagong rate o kung kailan magsisimula ang implementasyon, subalit sinabi ng Pangulo na kapuwa ipinag-utos na ng Department of Agriculture (DA) at Tariff Commission ang pag-roll out ng polisiya.
“Malinaw ang directive na ito. Hindi ito puwedeng gawing basta-basta. Bawat hakbang, malinaw ang proteksyon sa ating lokal na produksyon,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Poprotektahan natin ang mga consumer, ang mga magsasaka, at ng industriya. ‘Yan ang ating hinahanap na balanse. Dahil kung – everything… As you know, the economy is a complicated system. Kaya’t kung may gagawin ka sa isang bahagi, may epekto ‘yun sa kabilang bahagi,” aniya pa rin.
“Adjustments are also being done in Philippine ports to fast track the entry of more food supply,” dagdag na wika nito.
“Kasabay nito, pabibilisin na rin ang pagpoproseso ng mga permit tulad ng SPSIC, Certificate of Necessity to Import para mas mabilis makapasok ang kinakailangang pagkain at mas mababa ang magiging halaga,” ang inihayag ng Chief Executive.
“Inalis na rin ang toll fee sa mga fish port upang hindi na ito makadagdag sa presyo nung mga – nung ating mga pagkain,” aniya pa rin.
Para naman sa domestic produce, bibilhin naman ng gobyerno ang sobrang ani ng mga magsasaka upang matiyak na ang mga pananim na hindi nai-deliver sa merkado bunsod ng mataas na presyo ng langis ay hindi mapupunta sa wala.
“Nakikita natin na may mga magsasaka na napipilitang itapon ang kanilang ani dahil sa overproduction sa sobrang baba ng presyo ng bili. Hindi natin ito pababayaang magpatuloy. Kaya bibilhin na muna ng Department of Agriculture ang sobrang produksyon,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Makikipagtulungan din tayo sa mga local government para bilhin din ang mga gamit na ito at magamit din nila para ipamigay nila sa tao,” anito.
“Ang pamahalaan ang sasalo nito para hindi masayang ang ani, hindi malugi ang ating mga magsasaka at mapapakinabangan naman ng ating mga namimili,” ang pahayag ng Punong Ehekutibo.
Samantala, tinitingnan aniya ng gobyerno na palawakin pa ang P20 per kilo rice program. (KRIS JOSE)