MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang technical assessment sa bumagsak na dike sa Pampanga.
Sa anunsyo ng DPWH, isasagawa ang overhaul sa Candating flood control project dahil sa depektibong pundasyon at paulit-ulit nang nasisira at naapektuhan ang mga kalapit na bahay.
Sinabi rin ng DPWH na iniimbestigahan na ang mga responsable, kabilang ang kontraktor at DPWH personnel, at isusumite ang mga natuklasan sa Office of the Ombudsman at Department of Justice para sa posibleng kasong isasampa.
Sa isang ulat, nalaman na ang sheet piles na ginamit sa proyekto ay bumaliktad dahil sa patuloy na ulan at pansamantalang isinasaayos sa pamamagitan ng welding.
Ang nasabing proyekto umano ay isinagawa ng Eddmari Construction and Trading.
Samantala, iniimbestigahan na rin ng mga mambabatas ang umano’y iregularidad sa paggasta ng pondo matapos ibunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Agosto na 20% ng kabuuang P545 bilyong pondo para sa flood control projects ay napunta lamang sa 15 kontraktor, na tinawag niyang isang “nakababahalang assessment.” Jocelyn Tabangcura-Domenden