MANILA, Philippines – Nanawagan ang grupo ng mga human rights lawyer sa International Criminal Court (ICC) na huwag pagbigyan ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na interim release.
Ayon sa Center for International Law (CenterLaw), isang direktang banta sa kaligtasan ng mga biktima ang pansamantalang pagpapalaya kay Duterte sa ICC detention facility para ikustodiya sa isang hindi pinangalanang bansa.
Nangangamba rin ang CenterLaw na maaaring mamiligro ang integridad ng nalalapit nitong paglilitis.
“Even a temporary release of Duterte – to a currently undisclosed location – puts victims, witnesses, human rights defenders, and others who have dared to participate in the ICC investigation at unacceptable levels of risk and harm,” nakasaad sa statement ng grupo.
“As it stands, Duterte’s current detention has not even stymied the continuous harassment, intimidation and large-scale vilification levelled by his supporters at those involved in ICC proceedings in the Philippines and The Hague,” dagdag pa nito.
Sinabi ng CenterLaw na hindi maaaring maging balakid sa paghahanap sa katotohanan ang idinahilan ng kampo ni Duterte na ikonsidera ng korte ang edad at kalusugan ng dating pangulo.
Binigyang-diin ng CenterLaw na mas malala ang dinanas ng mga biktima ng war on drugs ni Duterte kumpara sa dinaranas nito sa ICC detention. Teresa Tavares