Cargo ships, including bulk carriers and general cargo vessels, sit at anchor offshore as a small motorboat passes in the foreground, in the Strait of Hormuz off Bandar Abbas, Iran, Monday, May 4 , 2026.(Amirhosein Khorgooi/ISNA via AP)
STRAIT OF HORMUZ — Lalong tumindi ang tensyon sa Strait of Hormuz matapos kubkubin at dalhin patungong Iran ang isang barko habang isa namang cargo ship malapit sa Oman ang lumubog matapos atakehin, ayon sa mga awtoridad nitong Huwebes, Mayo 14.
Hindi pa matukoy kung sino ang nasa likod ng mga insidente, ngunit naganap ito kasabay ng pahayag ng isang mataas na opisyal ng Iran na muling iginiit ang kontrol ng kanilang bansa sa Strait of Hormuz at sinabing may karapatan silang kumpiskahin ang mga oil tanker na konektado sa Estados Unidos.
Ang kaguluhan sa Strait of Hormuz, na dinaraanan ng halos ikalimang bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis bago sumiklab ang digmaan, ay patuloy na nagpapataas ng tensyon sa usapan ng U.S. at Iran upang wakasan ang sigalot.
Dahil sa mahigpit na kontrol ng Iran sa naturang ruta, naapektuhan ang pandaigdigang ekonomiya at muling sumirit ang presyo ng langis sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Kasabay nito, nakipagpulong si U.S. President Donald Trump kay Chinese leader Xi Jinping sa Beijing kung saan sinabi ng White House na nagkasundo ang dalawang bansa na kailangang manatiling bukas ang Strait of Hormuz.
Noong nakaraang linggo lamang, lalong uminit ang sitwasyon matapos paputukan at pigilan ng puwersa ng U.S. ang ilang Iranian oil tanker na umano’y nagtatangkang suwayin ang blockade sa mga pantalan ng Iran.
Ayon sa United Kingdom Maritime Trade Operations center, nakatanggap sila ng ulat na isang barko ang sinakop ng mga hindi awtorisadong tauhan habang nakaangkla 38 nautical miles hilagang-silangan ng Fujairah port sa United Arab Emirates.
Ang Fujairah ay isa sa mahahalagang oil export terminal na ilang beses nang naging target ng pag-atake sa gitna ng sigalot sa Iran.
Hindi pinangalanan ng U.K. maritime center ang barkong sinakop ngunit sinabi nitong patungo ito sa katubigan ng Iran.
Samantala, iniulat ng India na lumubog naman ang Indian-flagged cargo ship na Haji Ali malapit sa baybayin ng Oman matapos magkaroon ng sunog bunsod ng pag-atake habang bumibiyahe mula Somalia patungong Sharjah sa UAE.
Ayon kay Mukesh Mangal ng India’s shipping ministry, naganap ang pag-atake noong Miyerkules ngunit nailigtas ng coast guard ng Oman ang lahat ng 14 Indian crew members.
Kinondena naman ng foreign ministry ng India ang insidente at tinawag itong “unacceptable,” kasabay ng pagtuligsa sa patuloy na pag-atake sa commercial shipping at civilian mariners.
Hindi rin tinukoy ng India kung sino ang responsable sa naturang pag-atake. RNT/JGC