MANILA, Philippines – Umabot na sa pinakamataas na bilang sa loob ng 25 taon ang mga kaso ng tigdas sa Estados Unidos, ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC).
Mula Enero, umabot na sa 1,563 ang naitalang kaso ng tigdas — ang pinakamataas mula nang ideklara noong 2000 na naalis na ang sakit sa bansa. Simula Agosto, umaabot sa 27 bagong kaso kada linggo ang naitatala.
May mga bagong pagputok ng tigdas sa Ohio at Minnesota, habang mahigit 150 estudyanteng hindi nabakunahan sa South Carolina ang kasalukuyang naka-quarantine.
Sa hangganan ng Arizona at Utah, higit 90 katao na ang tinamaan ng sakit — 59 sa Arizona at 36 sa Utah — at patuloy pang tumataas ang bilang.
Ayon sa mga opisyal, ito na ang ikatlong malaking outbreak ng tigdas sa US ngayong taon. RNT