Home HOME BANNER STORY Tigok kay Uwan, umakyat na sa 6 — NDRRMC

Tigok kay Uwan, umakyat na sa 6 — NDRRMC

281
0

MANILA, Philippines – Umakyat na sa anim ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng Bagyong Uwan (international name: Fung-Wong), ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.

Tatlo ang nasawi sa Cagayan Valley at tig-isa sa Bicol, Western Visayas, at Eastern Visayas. Labintatlo naman ang iniulat na sugatan.

Aabot sa 2.35 milyong katao o 652,000 pamilya sa 16 rehiyon ang naapektuhan, kabilang ang Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Metro Manila, Calabarzon, Bicol, at ilang bahagi ng Mindanao. Pinakamaraming naapektuhan sa Bicol (1.16 milyon), sinundan ng Negros Island Region (198,000) at Eastern Visayas (186,000).

Mahigit 803,000 katao ang nananatili sa mga evacuation center habang 265,000 naman ang pansamantalang nakatira sa ibang lugar. Naitala rin ang mga pagbaha, pagguho ng lupa, pagbagsak ng mga puno, at mga insidenteng pandagat.

Umabot sa 4,143 bahay ang nasira—3,347 ang bahagya at 796 ang tuluyang winasak. Sa 299 kalsadang apektado, 202 pa rin ang hindi madaanan, gayundin ang 51 sa 56 tulay.

Patuloy ang brownout sa 394 lugar, habang may problema pa rin sa tubig at komunikasyon sa ilang probinsya. Nananatiling sarado ang 143 sa 180 pantalan, dahilan para ma-stranded ang halos 2,800 pasahero at 34 barko.

Suspendido ang klase sa 1,035 lugar at trabaho sa 823. Umabot naman sa ₱48.88 milyon ang halaga ng ayudang naipamahagi.

Ayon sa PAGASA, nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Uwan nitong Martes ng madaling-araw ngunit nananatiling malakas habang kumikilos pa-hilaga. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here