Home METRO Tinamad pumasok, estudyante nagpost sa socmed na pasasabugin iskul

Tinamad pumasok, estudyante nagpost sa socmed na pasasabugin iskul

1
0

NUEVA ECIJA — Arestado ang isang 18-anyos na estudyante matapos umanong mag-post ng bomb threat laban sa kaniyang paaralan sa Llanera, Nueva Ecija upang masuspinde ang klase.

Nagpadala ang mga awtoridad ng Explosive Ordnance Disposal unit ng Philippine National Police upang inspeksyunin ang paaralan matapos i-post ng estudyante ang banta noong Hulyo 27, 2026.

Walang natagpuang pampasabog matapos ang ilang oras na inspeksyon, ngunit nagdulot ang post ng takot sa mga guro, estudyante, at magulang.

Ayon kay Llanera Police Acting Chief Capt. Edmer Portilio, nakasaad sa Facebook post ng estudyante: “Hi, magpapasabog po ako sa school, sa school bukas. Ingat.”

Kalaunan ay natunton at inaresto ng pulisya ang estudyante. Kinumpiska rin ang kaniyang cellphone na sasailalim sa cybercrime forensic examination.

Inamin ng estudyante na siya ang gumawa ng post at sinabing nais lamang niyang masuspinde ang klase.

“Para lang pong walang pasok po sa nasabing paaralan. ‘Yun po ang sinabi niya sa akin. Base po sa pag-iimbestiga namin, ‘yun lang po ‘yung naging alibi niya,” ani Portilio.

Inamin din ng estudyante ang kaniyang pagkakamali at itinangging may intensyon o kaalaman siyang magsagawa ng pagpapasabog.

“Huwag ninyo subukan gawin ‘yung mga ganun. Hindi maganda dito sa loob [ng kulungan],” saad ng estudyante.

“Hindi ko talaga intensiyon na gawin ‘yun. Wala akong talagang alam sa pagpapasabog. Wala po talaga. Hindi ko kakayanin gawin ‘yun,” dagdag niya.

Nahaharap ang estudyante sa mga reklamong paglabag sa Anti-Bomb Joke Law at Cybercrime Prevention Act of 2012. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here