Home METRO Tindera ng prutas utas, 11-anyos sugatan sa araro ng pickup truck

Tindera ng prutas utas, 11-anyos sugatan sa araro ng pickup truck

55
0

MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 59-anyos na tindera ng prutas habang sugatan ang isang 11-anyos na batang babae matapos araruhin ng isang pickup truck ang kanilang puwesto sa kahabaan ng national highway sa Tupi, South Cotabato, nitong Lunes ng hapon, Mayo 19, 2026.

Sapul sa CCTV at aktuwal na tagpo na nagkalat ang mga prutas matapos salpukin ng puting pickup truck ang dalawang stall sa Purok 3, Barangay Crossing Rubber bandang alas-1:00 ng hapon.

Agad na rumesponde ang mga residente matapos makita ang biktimang naipit umano sa sasakyan. Isinugod siya sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa matinding pinsalang tinamo sa katawan.

Sugatan din ang isang 11-anyos na batang babae na nasa lugar nang mangyari ang insidente.

Nadamay rin at nasira ang isang nakaparadang motorsiklo matapos mabangga ng pickup truck.

Ayon sa Tupi Municipal Police Station, nagmula sa General Santos City ang pickup truck at patungong Koronadal City.

Batay sa imbestigasyon, nakatulog umano ang 63-anyos na driver na residente ng Cotabato City habang nagmamaneho, dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa sasakyan at dire-diretsong bumangga sa mga tindahan ng prutas.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries laban sa driver, na kasalukuyang kinukuhanan pa ng pahayag. Kinukuhanan din ng pahayag ang mga pamilya ng mga biktima. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here