ILOCOS, Philippines – Upang mapagaan ang kabuhayan ng mga magsasaka naghatid ng pamasko at pangmatagalang ginhawang pangkabuhayan ang Department of Agrarian Reform (DAR) Rehiyon I sa mga agrarian reform beneficiaries (ARB) sa Ilocos Region sa pamamagitan ng malawakang pamamahagi ng indibidwal na e-titles, Emancipation Patents/Certificates of Land Ownership Award (EPs/CLOAs), Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs), at mga agri-inputs.
Pinangunahan nina DAR Secretary Conrado M. Estrella III at Regional Director Maria Ana V. Francisco, ang okasyon at nakinabang ang mga ARB mula sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan, na pinalakas ang kanilang seguridad sa lupa, nabawasan ang pasaning pinansyal, at napaangat ang kakayahang magprodyus.
Ipinagdiwang sa aktibidad ang matagumpay na implementasyon ngayong 2025 ng mahahalagang programa ng DAR gaya ng Land Tenure Security Program (LTSP), Agrarian Reform Beneficiary Development and Sustainability Program (ARBDSP), at Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project, na naglalayong bigyan ang mga magsasaka ng ganap na pagmamay-ari ng lupa, debt relief, at suporta sa pagsasaka.
Sa kanyang talumpati sa wikang Ilokano, binigyang-diin ni Secretary Estrella ang mahalagang papel ng mga magsasaka sa seguridad sa pagkain ng bansa: “Ituluy tayu kuma iti agmula ken agtaraken iti livestock ken poultry. Ituluy tayo latta iti agrikultura. Ituluy tayu latta iti ubra iti mannalon ta nu saan, mabisinan tayu, wennu saan ket umasa tayu iti sabali nga nasyon. (Sana ipagpatuloy natin ang pagtatanim at pag-aalaga ng livestock at poultry. Ipagpatuloy lang natin ang agrikultura. Ipagpatuloy lang natin ang gawain ng magsasaka para hindi tayo magugutom, at hindi natin kailangan umasa sa ibang nasyon).”
Ayon sa DAR sa ilalim ng SPLIT Project, 775 indibidwal na e-titles ang ipinagkaloob sa 677 ARBs, na sumasaklaw sa 717.7672 ektarya ng lupang pansaka. Ang mga titulong ito ay nagbibigay ng ganap na karapatan sa lupa at mas malawak na access sa serbisyong pampinansyal at pang-agrikultura.
Sa pamamagitan naman ng Regular Land Acquisition and Distribution, 81 ARBs ang nabigyan ng 96 EPs/CLOAs, na sumasaklaw sa 115.1294 ektarya ng lupang sakahan.
Kaugnay nito namahagi rin ang DAR Rehiyon I ng 911 COCROMs sa 799 ARBs, na nagpapatunay ng pagkakabura ng mahigit ₱13.7 milyon na utang sa amortisasyon ng lupa na may kabuuang lawak na 670.69 ektarya. Mula 2024 hanggang 2025, umabot na sa ₱64.78 milyon ang kabuuang utang na napatawad para sa 3,840 ARBs sa buong rehiyon.
Bilang dagdag na tulong, namahagi ang DAR ng ₱4 milyong halaga ng certified seeds sa 12,853 ARBs na naapektuhan ng Bagyong Uwan, upang matulungan silang makabangon at makapagtanim muli. (Santi Celario)