MANILA, Philippines – “Isang tagumpay para sa soberanya ng Pilipinas!”
Ganito inilarawan ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang pagsusumite ng gobyerno ng Pilipinas ng ‘Talampas ng Pilipinas’ chart sa International Seabed Authority (ISA).
Sinabi ni Tolentino na ang nasabing hakbang ay nagpapahiwatig ng isang pambihirang tagumpay sa patuloy na kampanya ng bansa upang i-consolidate ang pandaigdigang pagkilala sa mga karapatang maritime at entitlements nito sa ilalim ng internasyonal na batas.
“Ito ay isang malaking hakbang tungo sa pag-secure ng ating mga eksklusibong karapatan sa Talampas ng Pilipinas at sa malawak nitong yamang mineral,” giit ng senador.
Ang ‘Talampas ng Pilipinas’ ay nakapaloob sa ilalim ng Seksyon 8 ng Philippine Maritime Zones Law (Republic Act 10264) na pangunahing iniakda ni Tolentino.
Matatandaan na si Tolentino mismo ang nagpangalan sa ‘Talampas ng Pilipinas’ mula sa orihinal nitong pangalan na ‘Benham Rise” sa ilalim ng landmark measure.
Tinutukoy ng ‘Tolentino Law’ ang resource-rich region bilang bahagi ng extended continental shelf ng bansa, kung saan ang Pilipinas ay gumagamit ng soberanong mga karapatan upang i-explore at i-exploit ang mineral, petrolyo at non-living resources ng seabed at subsoil.
Ibinibigay din nito sa Pilipinas ang hurisdiksiyon hinggil sa pagtatatag at paggamit ng mga artipisyal na isla, instalasyon at istruktura sa seabed, marine scientific research, drilling at tunneling, at iba pang mga karapatan na itinatadhana alinsunod sa UNCLOS.
“Ang Talampas ng Pilipinas ay ating pamana at regalo sa mga kabataan at mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino. Tinitiyak nito ang isang maliwanag at magandang kinabukasan para sa ating bansa,” sabi ni Tolentino, chairperson ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones.
“Nagpapasalamat ako sa Department of Foreign Affairs, Philippine Mission to the UN, NAMRIA – Hydrography Branch, at sa lahat ng nag-ambag sa inisyatiba,” pagtatapos niya.
Ang ISA ay isang intergovernmental body na nag-uutos na i-regulate ang lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa mineral sa international seabed area, bilang pagsunod sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea. RNT